Bakit nauwi sa gulo sa Quezon City Jail ang isang balde ng tubig?

Gillan Ropero, ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2017 12:31 AM | Updated as of Nov 04 2017 01:14 AM

Stress dulot ng kasikipan ng kulungan ang maaaring nagtulak sa mga preso ng Quezon City Jail na mag-away matapos matapon ang isang balde ng tubig nitong Biyernes ng madaling araw, kung saan dalawa ang patay.

"We believe yung insidente kanina, it has something to do with space," ani Jail Sr. Insp. Xavier Solda, tagapagsalita ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), sa panayam sa Bandila.

"Currently meron tayong 600% ng congestion sa facility. Halimbawa, yung isang espasyo na tulugan sana ng isang tao, halos 6 ang nagkakasya dyan. Just imagine yung pain na nandoon ka sa loob, yung stress. Kaya nga yung maliit na espasyo na yan, that’s everything to them," dagdag niya.

Magtatayo ng bagong bilangguan ang BJMP matapos magbigay ng lupa ang lokal na pamahalaan ng QC, ayon kay Solda.

"Hindi pa po nagsisimula ang construction. We are already done with the design, 'yung budget na lang sa pagpapatayo ng facility," aniya.

Hindi bababa sa 3,416 na preso ang nakakulong sa naturang piitan.

Dahil sa sobrang sikip sa Quezon City jail, natutulog na lang sa hagdanan ang ilang preso. Noel Celis, AFP/file

Nagsimula umano ang riot sa bilangguan nang may natabig na balde ng tubig habang isinusugod ang isang binangungot na inmate papunta sa pagamutan. Inakala umano ng mga nagising na preso na sinadyang binuhos sa kanila ang tubig.

"Nagkaroon ng misunderstanding, akala nila sinasadya na buhusan sila ng tubig, nagsimula na yung murahan hanggang sa nagkabatuhan na sila ng iba’t ibang gamit," ani Solda.

Namatay ang isang preso matapos pagsasaksakin ng kapwa bilanggo, habang namatay din ang bilanggong binangungot.

Naglunsad na ng imbestigasyon ang BJMP ukol sa insidente. Ayon kay Solda, madadagdagan ng kaso ang presong nanaksak.

Natutulog sa basketball court sa Quezon City Jail ang mga preso dahil sa sobrang sikip sa piitan. Noel Celis, AFP/file

"Definitely, napakaliit ng facility, makikita malalaman namin kung sino ‘yung nakapatay dun sa kapwa niya inmate then it will be an additional charge sa kanya. Hindi naman namin pwedeng pabayaan yung isang inmate sa nangyari," aniya.

Nakasalalay naman umano sa regional director ng National Capital Region ang parusa sa nakatakdang jail warden noong panahon ng insidente.

Samantala, umabot na sa 54 ang namatay na detainees sa mga lock-up cell ng pulisya sa Southern Tagalog dahil pa rin sa overcrowding, ayon sa Calabarzon Police.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.