Bakit di dapat 'tapalan' ang assets list ng mga taga-gobyerno

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 09:09 PM

Nang isapubliko ang "statement of assets, liabilities, and net worth" (SALN) ng mga miyembro ng Gabinete at executive branch ngayong taon, may redaction, o tinapalan ng itim na tinta ang ilang impormasyon, para maitago ang mga ito. 

Ayon sa Malacañang Records Office, tinatapalan ang location at acquisition cost ng mga ari-arian alinsunod sa abiso ng Legal Affairs Department.

Dati ring isinasapubliko nang buo ang "statement of campaign contributions and expenditures" (SOCE) ng mga kumandidato sa halalan.

Pero ngayon, tinatapalan na ng Comelec ang address at tax identification number ng campaign donors.

Paliwanag ng National Privacy Commission, ipinatutupad na kasi ang Data Privacy Act.

"Everybody's just trying to do their jobs. For the repositories, it's the obligation of a processor to make sure the rights of the subjects whose records they are processing are upheld, " ani Raymond Liboro, Chairman ng National Privacy Commission.

Pakay ng Data Privacy Act na protektahan ang mga sensitibong impormasyon tungkol sa isang tao nang hindi ito maipakalat sa internet.

Pero ayon mismo sa principal author o pangunahing may-akda ng naturang batas na si dating Senador Edgardo Angara, hindi hangad ng Data Privacy Act na ipagkaila sa publiko ang kahit ano'ng bahagi ng public documents tulad ng SALN at SOCE.

May karapatan daw ang publiko na suriin nang buo ang mga dokumentong ito. 

"There are penalties for unduly refusing to disclose or to release information of public nature," ani Angara.

Ang SALN ay nagagamit ng publiko para bantayan ang yaman ng isang nahalal o naitalagang opisyal sa panahong siya'y nasa puwesto. 

Ang SOCE naman ay nagagamit para matukoy kung may posibleng "conflict of interest" ang pagtanggap ng kandidato ng pera sa kaniyang kampanya.

Babala ni Angara, kapag tinapalan ang anumang bahagi ng dokumento, para na rin itong falsification o pamemeke ng public documents, isang krimen sa ilalim ng Revised Penal Code.

"That amounts to tampering. They should release the report filed by the candidate himself. They should not be editing," ani Angara.

Hindi saklaw ng Data Privacy Act ang impormasyon para sa journalistic, artistic, literary, o research purposes. 

Maaaring makuha sa Ombudsman nang buo ang SALN ng presidente, bise presidente, at mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan.

Ito'y isinasapubliko nang walang tapal, liban sa address. 

Hindi kailangan ang permiso ng opisyal. 

Gayundin ang SALN ng mga senador na isinasapubliko ng Senate secretariat nang buo. 

Pero ang SALN ng Supreme Court justices, kailangang aprubahan muna sa en banc session bago isapubliko nang buo.

Boluntaryo nilang isinasapubliko ang mga "summary" pero wala itong detalye sa real properties o mga ari-arian, lokasyon, at acquisition cost o halaga ng pagbili sa ari-arian.

Ang SALN naman ng mga congressman, hindi maaaring hingin basta-basta sa Secretary General. 

Kailangan itong ipaalam pa sa bawat isa sa halos 300 miyembro ng mababang kapulungan.

May mga tumanggi ritong kongresista.

"There are different objectives for that, one is... to prevent corruption, pangalawa is to prevent conflict of interest. So kung may mga information na hindi 'yong mismong amount or... broad lang ang nando'n, paano mo makikita ang mga ito?" tanong ni Joy Chavez na co-convenor ng "Right to Know Right Now Coalition".

"Malaking bagay 'yong SALN if you really want to stamp out corruption. Ngayon, kapag itatago mo 'yon, talagang all this talk about anti-corruption campaign, wala, wala 'yon," ani Ellen Tordesillas, presidente ng Vera Files. 

Habang isang hamon ang pagseguro na mabubusisi ng karaniwang tao ang public documents, ibang hamon naman ang pagseguro na tama at makatotohanan ang nakapaloob sa mga dokumentong ito.

Sa isang sulat na natanggap ng ABS-CBN mula sa Malacañang Records Office, sinabi nito na muli nilang binago ang kanilang polisiya at hindi na nila tatapalan ang halaga ng mga ari-arian ng mga opisyal na nagsusumite ng SALN sa kanila. Sabi ng Palasyo, ito'y dahil sa "spirit of transparency." 

Saad ng pahayag ng Malacañang Records Office: "The Office of the President has recently reviewed its policies on the redaction of SALNs. We are pleased to inform you that, in keeping with the spirit of transparency, there shall no longer be any redactions on specific amounts/costs of the assets and liabilities." 

-- Ulat ni Gigi Grande, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.