ALAMIN: Ano ang bank secrecy law?

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 04:47 PM

Sa tuwing pinararatangan ng katiwalian ang isang pampublikong opisyal, isa sa mga sinisiyasat o maaaring magsilbing depensa niya ang kaniyang bank account. 

Subalit bago siyasatin ng sinuman ang bank account, kinakailangan munang isaalang-alang ang mga patakaran sa ilalim ng Republic Act No. 1405 o ang "bank secrecy law."

Mapapatawan ng parusang pagkakakulong na hindi hihigit sa limang taon at multang hindi tataas sa P20,000 ang sinumang lalabag sa batas na ito na nagbabawal sa pagsasapubliko ng lahat ng impormasyon kaugnay ng isang bank account.

Ibinahagi ni Kabayan party-list Rep. Harry Roque sa programang ''Usapang de Campanilla'' sa DZMM na may ilang exemption sa batas para maisiwalat ang mga nilalaman ng isang account.

Una na rito ang paggawa ng written permission o sulat na nagbibigay ng pahintulot.

"Kapag may written permission, wala nang unauthorized disclosure kasi pinayagan na ‘yan," paliwanag ni Roque. 

Maaari ring ibahagi ang nilalaman ng account kapag nakatanggap ng subpoena o kautusan mula sa korte.

Ngunit pili lamang ang mga kasong sakop nito gaya ng plunder o pandarambong, graft o pangunguwarta, at demandahan.

Kadalasang naglalabas ng ganoong subpoena sa mga impeachment case o kasong naglalayong patalsikin ang isang opisyal.

Sa pagkakataon namang may "offshore account" o account sa bangko sa ibang bansa, dapat sundin ang batas sa bansang iyon.

"Depende na ‘yan kung ano ‘yong batas na umiiral doon sa ibang bansa," ani Roque.

Halimbawa ni Roque ang Switzerland na may mahigpit na bank secrecy law, kaya marami ang nahihikayat na magbukas ng account dito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.