ALAMIN: Proseso ng pagkuha ng NBI clearance

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 01:54 PM

Dati, mayroong iba't ibang uri ng clearance na makukuha mula sa National Bureau of Investigation (NBI) batay sa paggagamitan.

Ilan lamang sa mga ito'y clearance para makapagbitbit ng baril, makakuha ng trabaho at makaalis ng bansa.

Subalit kamakailan ay inilabas ng NBI ang tinatawag na "multi-purpose clearance" na pinag-iisa ang dati'y magkakaibang clearance.

Ito ang pag-unlad sa ahensiyang ipinagmalaki ni Emelyn Aoanan, pinuno ng information communication technology division ng NBI, sa programang "Usapang De Campanilla" ng DZMM.

Pinadali umano ng multi-purpose clearance ang proseso ng pagkuha ng katibayan mula sa NBI na malinis ang kriminal na talaan ng isang indibiduwal.

Noon kasi, magkakahiwalay na proseso pa ang pinagdadaanan ng aplikante sa pagkuha ng magkakaibang clearance.

Ipinako rin ng NBI ang multi-purpose clearance sa halagang P115, taliwas sa dating batay sa uri ng clearance ang babayaran.

Proseso

Ipinaliwanag ni Aoanan ang proseso ng pagkuha ng clearance.

Una, dapat magparehistro ang isang aplikante sa www.nbi-clearance.com.

Ani Aoanan, maaaring tumungo sa punong tanggapan at ilang piling sangay ng NBI para magparehistro sakaling walang personal na internet ang aplikante .

"Mayroon sa main clearance center (NBI) at ilang satellite centers na libreng internet para makapag-online registration," ani Aoanan.

Matapos ang pagpaparehistro, kukuha ang aplikante ng reference number, magtatakda ng appointment at pipili ng sangay ng NBI para sumailalim sa biometrics.

Matapos magparehistro, maaari nang magbayad ng halagang P115 sa mga bangko o bayad center.

Tutungo naman ang aplikante sa napili nitong sangay ng NBI sa itinakdang araw upang sumailalim sa biometrics. 

Sa biometrics, kukuhanan ng litrato, fingerprint at pirma ang aplikante.

Sa pagkakataong walang kapangalan ang aplikante, agarang maibibigay ang clearance sa mismong araw din na iyon.

'Hit'

Tinatawag na "hit" ang pagkakataong may kapangalan ang aplikante na isang indibidwal na may kinahaharap na kaso.

Tatagal ng apat na araw upang siyasatin ng NBI sa kanilang database kung ang aplikante ba ay may kaso o wala.

"Kung ikaw ay nag-apply, ive-verify ‘yon by name tapos parameters gaya ng date of birth, address, pati address ng magulang," paliwanag ni Aoanan.

Kapag napag-alamang may kaso ang aplikante, nakabinbin man o napawalang-sala, kinakailangan nitong magpasa sa NBI ng clearance mula sa korteng dumudulong o dumulong ng kaso.

Bahagi ang panayam kay Aoanan sa serye ng Usapang De Campanilla na naglalayong magbigay kaalaman ukol sa mga mandato ng ilang ahensiya ng pamahalaan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.