ALAMIN: Batas na nangangasiwa sa pagmamay-ari ng mga baril at pasabog

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 02:41 PM

Halos araw-araw mayroong naibabalitang insidente ng pamamaril.

Subalit mas nakagigimbal pa rito ay bukod sa mga kawatan at pulis, may ilang pribadong indibiduwal ang naiuulat na gumagamit ng baril upang pumatay, magpakamatay o aksidenteng nakakalabit ang gatilyo.

Tinalakay sa programang "Usapang De Campanilla" ng DZMM ang isang batas na naglalayong regulahin ang pagmamay-ari ng baril sa bansa.

Kamakailan kasi kinasuhan si Maasim, Sarangani Mayor Aniceto Lopez Jr. ng paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act nang matagpuan ng mga awtoridad sa bahay nito ang granada, baril at bala.

"Ang parusa diyan sa pag-manufacture, distribution o possession (ng baril) ay ang habambuhay na pagkakakulong," ani Kabayan Party-list Rep. Harry Roque.

Bukod sa mga baril, ipinagbabawal din ang mga ammunition o bala, explosives o mga materyales na sumasabog, at incendiary o mga armas na pinagmumulan ng apoy.

Ipinagbabawal din ang ilegal na paggawa, pagbuo, pagbili at pag-import ng mga baril at pasabog.

"Delikado na mahulihan ka talaga ng hindi lisensyadong mga pasabog. Napakataas po ang mga parusa diyan," ani Roque.

Hindi umano sakop ng batas ang mga negosyong may lisensiya mula sa pamahalaan na gumawa ng mga baril, gaya ng industriya ng gun manufacturing sa Danao, Cebu.

Loose firearms

Idinaing ni Roque na bagaman mabigat ang parusa, marami pa rin ang patuloy na nagmamay-ari ng loose firearms o mga baril na hindi rehistrado.

Kaya nanawagan din si Roque sa Philippine National Police (PNP) na mas palawakin ang pagbibigay ng lisensiya sa mga nagmamay-ari ng baril.

"'Yung gumagawa ng masama, hindi naman nagpaparehistro," katuwiran ni Mare Yao, host ng "Usapang De Campanilla."

Paliwanag pa ni Roque, mas madaling panagutin sa mga insidente ng pamamaril kung rehistrado ang mga may-ari.

Sa pamamagitan ng ballistics, ang agham na may kinalaman sa mga baril, mas madaling matukoy kung anong baril ang pinagmulan ng mga balang natatagpuan sa mga pinangyarihan ng krimen.

"At least, nasusubaybayan natin, mayroon na kasi ngayong siyensiya para malaman kung anong baril ang ginamit," ani Roque.

Mayroong iba't ibang pahintulot na ibinibigay ang Firearms and Explosives Division ng PNP sa mga nais magmay-ari at magdala ng baril sa mga pampublikong lugar.

Kinakailangan ng lisensiya bago magmay-ari ng baril at ng "permit to carry" upang madala ang baril sa mga pampublikong lugar. Subalit hindi dapat ilabas ang baril sa publiko at nakatago lamang sa protective case.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.