'Sagrado': Frat member, ikinuwento ang initiation rites

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2017 06:07 AM

Naging mainit ang isyu ng hazing nitong nakaraang buwan nang masawi ang 22 anyos na University of Santo Tomas law student na si Horacio Castillo III matapos ang initiation rites ng Aegis Jvris fraternity.

Nabigyang-pansin muli ang Anti-Hazing Law na ipinatupad noong 1995 na naglalayong ipagbawal ang mga mararahas na initiation rites sa fraternities, sororities at iba pang organisasyon.
 
Sa programang "Red Alert", humarap kay Jeff Canoy ang isang fraternity member upang bigyang-linaw ang ginagawang initiation rites sa mga kapatiran.

“Bakit nagkaroon ng fraternity? Because ito 'yong mga grupo ng magagaling na tao. Hindi ka basta-basta pwedeng sumali. In fact, kailangan kang maimbita,” giit ng frat member na si Carli Recio III.

“Sasalain namin, ito bang taong ito, bagay ba talaga sa kapatiran namin? Is he worthy to be part of our fraternity? The important part ng initiation process, kung nagagawa ng neophyte ang gusto mong pagawa sa kaniya.”

Itinuturing daw na sagrado ang proseso sa pagsala ng mga sumasaling miyembro o “amuyong” sa organisasyon ni Recio.

“We take our initiation process seriously hindi trip-trip-an ‘to. Kapag lasing ka, hindi ka puwede humawak ng amuyong. Hindi mo sila pwedeng kausapin, di mo sila puwedeng bigyan ng utos.”

“Ang initiation ay hindi hazing. Ang initiation is the whole process of the applicant. Kilalanin kami at kami naman kilalanin namin ang aplikante or 'yong neophyte.”

Aminado si Recio na may mga pagsubok na marahas para sa mga aplikante.

“Alam mo 'yong mga palo na ganiyang seremonyas lang 'yan eh. Mamamatay ka ba sa isang palo? O dalawa? Hindi, seremonyas lang ‘yan.”

“... Ang problem lang, hindi nila alam na may other fraternities o kapatiran na hindi naman ganiyan.”

“Huwag lang kaming lahatin dahil hindi naman lahat ng fraternities ganiyan. May prinsipyo 'yong iba diyan.”

Ayon naman sa CHED, hindi pa raw kayang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyanteng nagbabalak sumali ng fraternities base sa kasalukuyang batas.

“We use CHED Memorandum Order. That’s what we do, we just say we condemn hazing, we say we endorse certain values, and then we advise them that violence has no place in educational institutions,” banggit ni CHED chairperson Patricia Licuanan.

“We cannot for instance, I believe, tell them to ban fraternities altogether because that is also their prerogative as institutions.”

“What we can do, as I said at this point, is really urge them to take this more seriously.”

Mungkahi ng pulisya, makabubuting bantayan ang mga gawain ng mga estudyante.

"Importante po 'yong ating pakikipag-coordinate sa school authorities lalo na sa activities ng ating mga anak,” payo ni Police Superintendent Erwin Margarejo.

“Importante po na tingnan natin 'yong oras ng kanilang klase at 'yan po ang ating magiging basehan kung anong oras po sila puwedeng umuwi at anong oras po sila papasok."

Para sa karagdagang tips, sundan ang Red Alert sa Facebook (www.facebook.com/RedAlertABSCBN) at Twitter (@ABSCBNRedAlert).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.