BALIK-TANAW: Ang pagpapatupad ng Batas Militar sa Pilipinas

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2017 08:32 PM

Ginunita kahapon ang ika-45 taon ng pagpapatupad ng batas militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Narito ang balik-tanaw sa yugtong ito ng kasaysayan ng bansa.

Sa bisa ng Proclamation No. 1081 na nilagdaan ni Marcos, ipinatupad ang batas militar sa buong Pilipinas.

May mga nagsasabing nilagdaan ni Marcos ang proklamasyon Setyembre 17 o Setyembre 22, 1972, ngunit Setyembre 21, 1972 ang petsang nakasaad sa dokumentong nilagdaan ng dating pangulo.

Sa talaarawan ni Marcos, isinulat niyang natapos niya, kasama sina “Johnny Ponce Enrile, Gen. Paz, Gen. Nanadiego, Kit Tatad, at Piciong Tagmani,” ang paghahanda ng mga kautusan alas-8 ng gabi, Setyembre 21.

Setyembre 23, alas-3 ng hapon nang basahin ni Press Secretary Francisco Tatad sa ere ang nilalaman ng Proclamation No. 1081. 

Sumahimpapawid naman si Marcos alas-7:15 ng gabi upang bigyang-katuwiran ang proklamasyon. Aniya, kailangan umano ng "emergency powers" upang puksain ang karahasang dala ng mga komunista.

Kasunod nito, ipinasara ang mga estasyon ng telebisyon, radyo, at mga diyaryo. Naging mahigpit din ang seguridad at nagpatupad ng curfew.

Inaresto at dinetine naman sa Camp Crame ang mga personalidad na sumasalungat sa pangulo, tulad nina Sen. Benigno Aquino Jr., Sen. Jose Diokno, Sen. Francisco Rodrigo, at Sen. Ramon Mitra Jr. 

Inilabas din ni Marcos ang iba’t ibang kautusan na nagbibigay-patnubay sa pamamahala, kabilang na ang General Order No. 1 na naglilipat ng lahat ng kapangyarihan sa kamay ng pangulo.

Sa kabila naman ng pangako ni Marcos na hindi mapapalitan ng batas militar ang 1935 Constitution, pinangunahan nito ang pagpapatupad sa 1973 Constitution. Kinilala ng Korte Suprema ang naging pagpapalit ng Saligang Batas nang ibaba nito ang desisyon sa Javellana v. Executive Secretary.

Sa ilalim ng batas militar, sinasabing nasa 3,257 ang pinatay, 35,000 ang tinortyur, at 70,000 ang ipinakulong. 

Umusbong naman ang larangan ng sining at kultura sa panahon ng batas militar. Sumikat ang mga mang-aawit tulad nina Freddie Aguilar at Joey Ayala at mga bandang tulad ng “The Jerks” at “Asin” na lumikha ng mga kantang nagpaalab sa damdamin ng mga Pilipinong nag-aalsa laban sa diktadura.

Nakilala rin ang mga direktor tulad nina Lino Brocka, Ishmael Bernal, at Mike de Leon na nagpakita ng realidad sa lipunan sa pamamagitan ng kanilang mga pelikula.

Panoorin ang diskusyon nina Ariel Ureta at Winnie Cordero kasama ang historyador na si Prop. Xiao Chua ukol sa musika at pelikula sa panahon ng diktadura.

Inilabas ni Marcos noong Enero 17, 1981 ang Proclamation No. 2045 upang pormal na wakasan ang batas militar. 

Sa kabila naman nito, taglay pa rin niya ang kapangyarihang maglabas ng mga panukala at nagawang manatili sa poder ng ilan pang taon. 

Subalit noong Pebrero 25, 1986, tuluyan nang nagtapos ang diktadurang Marcos sa pamamagitan ng People Power Revolution na nilahukan ng milyon-milyong Pilipino.

Lumikas patungong Estados Unidos ang mga Marcos kasunod ng pag-aalsa. Sa Honolulu, Hawaii na rin tuluyang pumanaw si Marcos noong Setyembre 28, 1989 sa edad na 72.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.