ALAMIN: Ano ang tungkulin ng CHR?

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2017 03:02 AM

Ayon sa mga bumoto pabor sa P1,000 budget ng Commission on Human Rights (CHR), puro gobyerno lang ang pinag-iinitan ng komisyon at walang ginagawa sa mga kriminal.

Sagot ng CHR, mandato ng komisyon na tutukan at imbestigahan ang mga paglabag sa karapatang pantao na ginagawa ng mga nasa gobyerno.

Sa infographics ng CHR sa kanilang Facebook page, ipinapaliwanag kung saan dapat magreklamo ang isang taong biktima ng human rights violation o krimen.

Kapag taga-gobyerno, gaya ng pulis, militar, mga huwes at iba pa, ang nakagawa ng paglabag sa karapatang pantao mo, sa CHR ito pwedeng i-report.

Kung pribadong tao naman ang gumawa ng krimen, halimbawa rape, pagpatay at iba pa, sa mga pulis ito dapat i-dulog.

Sa panahon naman ng armadong conflict gaya ng giyera, kapag pulis o sundalo ay nang-abuso ng kapangyarihan at nilabag ang international human rights law, dapat pumunta sa pulis, at mag-report din sa CHR.

Kung mga armadong grupong hindi miyembro ng militar o pulis naman ang gumawa ng paglabag, matuturing itong krimen at human rights violation kaya dapat ding lumapit sa pulis at CHR.

At kung ang mga biktima naman ay kabilang sa tinatawag na marginalized group sa ating lipunan, ito ay krimen din at human rights violation kaya dapat ding magsumbong sa pulis at CHR.

Sa mga panuntunang iyan, malinaw na ang CHR at ang pulis ay magkatuwang para masigurong hindi nalalabag ang karapatang pantao ng bawat isang Filipino.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.