Pagdinig ng rape sa Abra, ginagawa sa labas ng korte

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2017 09:25 PM | Updated as of Aug 18 2017 09:27 PM

Kadalasan sa korte nililitis ang mga kaso tulad ng rape pero sa ilang munisipalidad sa Abra, nireresolba ito sa loob mismo ng komunidad.

Mababa ang kaso ng rape sa lalawigan ng Abra. Ngayong taon, umabot lang sa lima ang tala ng pulis mula Enero hanggang Hulyo.

Mas mababa ito kumpara sa 21 kaso noong 2016.
 
Itinuturong dahilan ng mababang kaso ng rape ang hindi na pagpapaabot sa pulis ng pagresolba sa insidente.

"May mga cases na kapag dumaan na sa barangay di na nila dinadaan sa pulis, iyon siguro ang reason kung bakit mas mababa ngayon, aside from ayaw ng ilang victim na mag-report,” ani Chief Inspector Marcy Maron ng Abra Women and Children’s Desk.

Sa justice hall o dap-ay nililitis ng mga matatanda ang kaso sa pagitan ng biktima at offender.

Mabilis natatapos ang kaso pero kadalasan nirereklamo na biktima ang dehado. 

Isa ang kaso ng siyam na taong gulang na si 'Rose' sa mga idinaan sa tongtongan o katutubong paraan ng paglilitis. Binubuo ito ng council of elders o mga lallakay o mamanakem.

Napagkasunduan ng mga lallakay at magulang ni Rose na pagmultahin na lang ng P250,000 ang suspek. 

Matapos malitis, hindi na sumailalim sa counseling ang bata at madalas pa rin umanong bumisita sa kanilang bahay ang nanggahasa sa kanya.

Tumangging magkomento ang mga magulang ni Rose habang para sa kanyang lolo, tapos na ang kaso.

Masakit umano noong una pero nagkaayos din dahil magkakamag-anak din naman sila.

Kinikilala naman ng estado ang mga customary law o katutubong paraan ng pagreresolba ng kaso pero sabi ng criminal lawyer, may limitasyon ito pagdating sa kaso ng panggagahasa lalo na't moralidad ng biktima ang nakasalalay.

"Iyong Revised Penal Code, ito na iyong nagde-define ng crimes natin. Murder, rape and other heinous crimes and drug-related crimes cannot be (the) subject of settlement under customary law,” ayon sa criminal lawyer na si Edgar Avila.

Sabi naman ni Rosita Brillantes na isa sa mga nagsisilbing lallakay, dinadala rin sa korte ang kaso depende sa desisyon ng mga magulang ng biktima.
 
Sinusubukan ngayon ng ilang child rights advocates na buksan ang isipan ng mga katutubo sa isyu ng rape, at sa kanilang mga karapatan.

-- Ulat ni Micaella Ilao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.