ALAMIN: Mga karapatan ng motorista kapag nahuli sa daan

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2017 07:26 PM

May mga batas na kailangang sundin ang mga motorista upang masiguro ang kaligtasan at kaayusan sa kalsada. Ngunit sakaling mahuli na lumalabag sa mga regulasyon, ano nga ba ang karapatan nila? 

Sa programang 'Usapang de Campanilla' ng DZMM, inilahad ni Atty. Noel del Prado ang mga karapatan ng mga motorista kapag sila ay nahuli na lumalabag sa mga batas-trapiko. 

Kapag nahuli aniya ang isang motorista, kailangan muna siyang patabihin sa isang lugar na hindi makaaabala sa daloy ng trapiko.

“Unang una, nakasaad sa batas na kung ikaw ay hinuhuli, dapat tatawagin ka o ifa-flag down ka doon sa isang lugar na hindi kayo makakaabala sa traffic,” ani Del Prado.

“Kung ‘yung panghuhuli ay lalo pang nakapagsisikip sa trapiko, hindi rin ayon ‘yan sa batas.”

Bukod dito, karapatan din aniya ng motorista na makilala ang opisyal na nanghuhuli. Dapat din masiguro na naka-uniform ito at kita ang pangalan at ang opisina.

Mahalagang karapatan din ng motorista na malaman ang dahilan ng panghuhuli o mga paglabag na naisagawa. 

Hindi rin aniya dapat ibigay agad ang lisensiya at kailangan lamang itong ipakita sa nanghuhuli. Ayon kay Del Prado, nakadepende sa bigat ng paglabag kung kukumpiskahin ang lisensiya.

“Meron lamang mga violations at nandiyan ‘yan sa batas, nakalista ‘yan. Inulit ‘yan sa mga regulasyon ng MMDA. May mga violations at ito ‘yung violations na grabe talaga na talagang maaaring kuhanin, kumpiskahin 'yung lisensiya. Pero doon sa mga ibang traffic violations, hindi ‘yan,” ani Del Prado.

“Kapag binigay mo [ang lisensiya], ibig sabihin, pinaubaya mo ‘yung karapatan mo, hindi mo pinanindigan ‘yung karapatan mo.”

Samantala, maaari ring hingin ng mga motorista ang mission order ng opisyal na nanghuhuli dahil dito maaaring makita kung awtorisado bang magbigay ng tiket ang enforcer o kung saklaw niya ba ang lugar na pinangyarihan ng paglabag. 

“Maaari mong hingin, pero dapat hingin mo rin siya sa isang magalang na paraan, ‘yung kanyang mission order. ‘Yung mission order, ‘yan ‘yung parang kautusan sa opisina ng MMDA na kumbaga ino-authorize itong tao or ‘yung kanilang agent na manghuli,” paliwanag ni Del Prado.

Paglilinaw pa ni Del Prado, sakop ng bawat enforcer ang panghuhuli ngunit hindi lahat sila ay maaaring mag-isyu ng tiket. 

“Accountable forms ‘yan. Hindi ‘yan puwedeng basta-bastang ipamigay. Bawat isyu niyan minsan may multa o kadalasan may multa. Kapag marami kang inisyu niyan, ibig sabihin dapat niyan lahat ng pera pumapasok sa gobyerno.”

Kapag naman nabigyan na ng tiket, sinabi ni Del Prado na may karapatan pa rin ang motorista na pasinungalingan ito ngunit dapat dumaan sa legal na proseso.

Kasabay ng paglalahad ng mga karapatang ito, ipinaalala naman ng abogado na huwag takasan ang mga nanghuhuli sa daan. Huwag din aniyang tangkain pang manuhol sa mga ito.

“Do not even think about it. Huwag niyo nang subukan,” ani Del Prado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.