Hinihinalang mga labi ng tao, nahukay sa balon sa Ozamiz City

Raffy Santos, ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2017 12:45 AM

Nahukay ng pulisya ang ilang hinihinalang buto ng tao sa isang balon sa Barangay Capucao, Ozamiz City Lunes ng gabi.

Hinukay ng pulisya ang balon matapos makatanggap ng ulat na dito umano itinapon ng pamilya Parojinog ang ilan sa kanilang mga pinaslang na kaaway at biktima.

Ayon kay Ozamiz City Police Chief Inspector Jovie Espenido, tinatayang mga labi ng nasa apat na tao ang natagpuan sa lugar base sa mga damit na nakita rin dito.

Sa kasalukuyan ay kinordonan na ng pulisya ang lugar at itinigil ang paghuhukay.

Ito na ang ika-apat na umano'y mass grave sa Ozamiz City ngunit ito ang unang beses na may nakitang mga labi ng tao ang pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.