Ano ang pananagutan ng paaralan sa mga mag-aaral?

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2017 03:57 PM

Malaking oras ng mga mag-aaral ang ginugugol sa loob ng paaralan. Sa loob ng mga oras na ito, maaaring maharap sila sa kapahamakan o may mangyaring hindi kanais-nais sa kanila. Sa ganitong pagkakataon, may pananagutan nga ba ang paaralan?
 
Sa programang ‘Usapang de Campanilla’ ng DZMM, ipinaliwanag ni Atty. Soledad Mawis na ang mga paaralan ay mayroong ‘special parental authority’ o sila ang tumatayong magulang ng mga bata kaya anuman ang mangyari sa mga mag-aaral, maaari silang managot.

Ayon kay Mawis, nakasaad sa batas na responsibilidad ng paaralan ang mga mag-aaral at dapat siguruhin nila na hindi lamang kaaya-aya ang sa pag-aaral ang paligid, kundi ligtas din dapat ito.

"Ang eskuwelahan, hindi lamang dapat mag-provide ng conducive learning atmosphere. Dapat din niyang suguraduhin na safe 'yung environment niya," ani Mawis.

Sa isyu naman ng lakbay-aral o field trips, sinabi ni Mawis na may pananagutan pa rin ang paaralan sakaling may mangyari sa mga mag-aaral kahit pa may pinirmahang waiver ang mga magulang.
 
"You cannot waive 'special parental authority' kasi dapat bantayan ang mga bata," paliwanag ni Mawis. 

Ngunit, maaari namang mabawasan o mawala ang pananagutan ng paaralan kung sakaling mapatunayang ang mag-aaral talaga ang may sala sa nangyari.

Isang halimbawa na lamang nito ay ang mga mag-aaral na dumudulas sa mga hawakan ng hagdan, sakaling mahulog sila. Maaaring walang sagutin ang eskuwelahan dahil ito ay "negligence ng bata", ayon kay Mawis.

Ngunit kapag nakita ito ng guro at hindi pinigilan, may pananagutan ang guro o paaralan.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.