ALAMIN: Mga karaniwang 'work-related' na sakit at aksidente

ABS-CBN News

Posted at May 13 2018 04:25 PM | Updated as of May 13 2018 09:41 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagbabalat ng prutas at gulay sa isang supermarket sa Maynila noon si Anna Marie Punzalan, isang stationary supervisor, nang bigla siyang matumba at maaksidente.

"Tumayo po ako tapos bumalik ako sa pag-upo ko. 'Di ko po napansin lumihis 'yong crates na inuupuan ko. Bumagsak ako, tumama 'yong piging ko sa kanan," kuwento ni Punzalan.

Hindi agad nagpatingin sa doktor si Punzalan matapos ang insidente at lumipas pa ang ilang linggo bago niya natuklasang nagkaroon pala siya ng slipped disc.

Bukod sa disgrasyang gaya ng naranasan ni Punzalan, ilan pang halimbawa ng work-related accidents ang pagkakahulog mula sa mga itinatayong gusali, mga napuputulan ng mga bahagi ng katawan, o peligro sa kalusugang dulot ng pagka-expose sa mga delikadong kemikal.

May 72 aksidenteng may kinalaman sa trabaho ang naitala ng Bureau of Working Conditions noong nakaraang taon.

Ayon naman kay Diana Joy Romero, kinatawan mula sa Occupational Safety and Health Center (OSHC), may tatlong uri ng work-related disorder na madalas naiuulat sa kanila.

Nangunguna aniya rito ang musculoskeletal disorders o iyong mga sakit sa kalamnan at buto, gaya ng likod ng katawan, balikat, leeg, at braso.

Kasunod ay ang mga occupational lung disease gaya ng asbestosis, o pamamaga ng baga bunsod ng pagkakalanghap ng asbetos, at silicosis, na pamamagang dulot naman ng silica dust.

"[Ito] 'yong mga nakukuha sa chemicals and fumes na nai-inhale. Common 'yan sa mining and quarrying industries," paliwanag ni Romero.

Ikatlo naman, ani Romero, ang lifestyle-related disorders.

"Ito 'yong nakukuha natin sa excessive na pag-inom, paninigarilyo, pagkain ng fast food," aniya.

Halimbawa ng mga lifestyle-related disorder ay high blood pressure at mga sakit sa puso.

Sa pamantayan ng OSHC, dapat ay may katumbas na bilang ng safety officer ang bawat kompanya batay sa dami ng manggagawa at sa uri ng industriyang kinabibilangan nito.

Halimbawa, isang full-time safety officer ang kailangan sa isang kompanyang may mapanganib na trabaho at mayroong 50 manggagawa.

Dagdag pa ni Romero, kinakailangang sumailalim ng mga safety officer sa iba't ibang pagsasanay, lalo at hinahanapan ang mga ito ng certification ng mga labor inspector mula sa Department of Labor and Employment.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.