Mga biktima ng Martial Law, bibigyan na ng paunang kompensasyon

ABS-CBN News

Posted at May 06 2017 03:11 AM

Ipapamahagi na simula sa Lunes ang paunang bayad ng kompensasyon sa mga biktima ng Martial Law, ayon sa Human Rights Violation Claims Board (HRVCB).

Simula Lunes, 300 mula sa unang 4,000 claimants ang makakatanggap na ng kalahati ng kanilang kompensasyon na naayon sa batas. 

Ang claimants ay makatatanggap ng monetary reparation at may claims na may pinal nang desisyon.

“Meaning, that the claimant opted not to appeal, hindi na siya nag-appeal, and we did not receive any opposition to the claim,” ani Lina Sarmiento, chairperson ng HRVCB.

Ipapamahagi ang kompensasyon at cash card sa tanggapan ng HRVCB sa UP Diliman, Quezon City. 

Simula Mayo 12, maaari na itong makuha sa pinakamalapit na LandBank branch.

Ang halaga ng kompensasyon kada claimant ay base sa puntos mula 1 hanggang 10 na may katumbas na human rights violation, ayon sa Republic Act No. 10368 o Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013.

Sa ngayon, kada puntos ay may katumbas na halos P25,000. Ito ay batay sa nailaan na budget na P9.76 billion.

Ang mga biktimang namatay o nawawala ay katumbas ng sampung puntos habang ang mga biktima ng torture o rape ay 6 hanggang 9 na puntos.

Ang mga na-detain ay 3 hanggang 5 puntos, at iyong mga nalabag ang mga karapatang nakasaad sa Sek. 3 Par. 4, 5, at 6 ng RA 10368 ay 1 hanggang 2 puntos.

Sa pagkuha ng kompensasyon, kailangang dalhin ng claimant ang kanilang acknowledgment receipt, isang government ID, at isang 1x1 ID picture.

Ayon sa HRVCB, malapit nang i-anunsyo ang susunod na batch ng claimants na naiproseso na at iyong may pinal nang desisyon.

May 75,730 biktima ng Martial Law ang humingi ng kabayaran sa gobyerno dahil sa naranasang pang-aabuso noong diktadurya ng rehimeng Marcos. Dumaan ang bawat aplikante sa masusing proseso ng HRVCB.

“Money is not enough to bring back lost lives, lost dreams, lost hopes. This is just symbolic, to honor the heroism and sacrifices of the Filipinos who suffered during Martial Law,” ani Sarmiento.

Para sa mga tanong, bisitahin ang Facebook page ng HRVCB o tumawag sa kanilang hotlines: 373-4847 at 533-1872. - Ulat mula kay Miguel Dumaual, ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.