'Pag-unlad na ramdam ng mahihirap: pangontra sa terorismo'

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2017 04:35 AM

Paano aabot sa mahihirap ang pagbuti ng mga ekonomiya sa Timog silangang Asya - isang rehiyon na maaaring maging isa sa pinakamalaking ekonomiya sa daigdig? Sa usaping ito sumentro ang talumpati ni Malaysian Prime Minister Najib Razak, Biyernes ng umaga, sa “Prosperity for All” Summit na bahagi ng serye ng pagpupulong sa Maynila ng mga pinuno ng ASEAN. 

Malayo nang maituturing ang naging pag-angat ng ekonomiya ng mga bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa nakalipas na 40 taon. Ganito ibinida ni Najib ang pag-unlad ng rehiyon, na may ekonomiyang lumago nang 28 ulit para magkamal ng $2.5 trilyon noong 2014 mula sa $87.2 bilyon noong 1975.

Pero balewala, aniya, ang ganitong pag-unlad kung hindi naman ito nararamdaman ng mga pinakamahihirap sa bawat lipunan. 

Tulad ng Pilipinas, banta rin sa Malaysia ang terorismo. 

Giit ni Najib, mas madaling naaakit ang mga mahihirap ng terorismo. Ginawa niyang halimbawa ang terorismo sa Europa na nag-ugat umano sa himutok ng mga napag-iwanan ng paglago ng ekonomiya.

Nagtalumpati rin sa naturang Summit si Bise Presidente Leni Robredo na tumakbo at nanalo sa plataporma ng pagtataguyod sa mga nasa "laylayan ng lipunan". Binigyang diin ni Robredo ang pangangailangan na maturuan ang mga magbubukid kung paano magiging masagana pa ang kanilang ani at makapasok sa pandaigdigang merkado. Nakakapanghinayang din daw na dumarami man ang mga bilyonaryo sa Asya, pero nasa rehiyon pa ring ito ang ilan sa pinakamahihirap sa mundo.

Dumalo rin sa okasyon ang dating pangulo at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Arroyo. Sa kanyang unang international event mula nang makalaya sa hospital detention noong nakaraang taon, hinikayat ni Arroyo ang pagpapaunlad sa digital technology sa ASEAN lalo na ngayong maraming negosyo ang dumedepende na sa teknolohiya.

Tensyon sa Korean Peninsula

Samantala, sumentro ang talakayan ng ASEAN foreign ministers sa tumitinding tensyon sa Korean Peninsula bunsod ng ginawang nuclear test at missile launch ng North Korea. 

Nagkaisa ang ASEAN sa panawagan sa North Korea na sumunod sa mga resolusyong itinakda ng United Nations Security Council at ng mga pandaigdigang batas sa interes ng pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad. Hinimok din ng ASEAN ang lahat ng panig na may kinalaman sa isyu na huwag gumawa ng anumang makapagpapalala pa ng sitwasyon.

West PH Sea 

Malaki ang tsansang magkasundo ang ASEAN sa pagbalangkas ng isang code of conduct para sa lahat ng umaangkin sa South China Sea, ayon kay acting Foreign Affairs Sec. Enrique Manalo.

Gayundin, pinaplantsa raw ang kasunduan na magtitiyak sa kapakanan ng migrant workers sa rehiyon.

Inaasahang aaprubahan sa Sabado ng mga pinuno ng Pilipinas, Brunei, Indonesia, at Malaysia ang plano para lalong pasiglahin ang kalakalan at imprastraktura sa rehiyon. Sa ilalim nito, maglalaan ng $21 bilyon (o katumbas ng mahigit P1 trilyon) para sa iba't ibang proyekto.

-- Hershey Homol, kasama ang mga ulat nina Willard Cheng, Sherrie Ann Torres 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.