ALAMIN: Paano masisigurong ligtas ang pagdadaanang plastic surgery?

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2017 11:39 PM

MANILA – Bagama't hindi ipinagbabawal ang pagsasagawa ng 3 magkakasabay na cosmetic surgeries, mas mainam umano na iwasang magtagal ang pasyente sa operating table, para sa kanyang kaligtasan, pati na ng kanyang mga doktor.

“I don't think I am going to do it. I don't want to go into surgery for a long time, both for the safety of the patient, and for the safety of the doctor as well,” ani Dr. Rosario Ballecer, pangulo ng Philippine Society for Cosmetic Surgery, Inc. (PSCS) sa panayam sa kanya sa DZMM.

Kamakailan ay namatay ang pasyenteng si Shiryl Saturnino, 29, habang nagsasagawa ang mga doktor na sina Jose Jovito Mendiola at Samuel Eric Yapchangco ng Icon Clinic ng 3 operasyon—liposuction, at mga operasyon sa dibdib at puwit.

Ayon kay Ballecer, hindi ideyal ang pagsasagawa ng 3 operasyon nang sabay-sabay dahil sa mahabang oras na pagsasailalim sa general anesthesia ng pasyente. 

Tinatayang 11 oras ang kinakailangan upang gawin ang lahat ng operasyon, at dahil dito ay dapat na itinuring na ito umanong major operation. 

Kung naging matagumpay din daw ang mga operasyon ay maaaring mahirapan ang pasyenteng ingatan ang mga implants nito.

Kung itutuloy din daw ang ganitong klaseng mga operasyon, pinakamaiging gawin ito sa isang ospital, at kailangang mayroong nakaantabay na isang grupo ng mga doktor, kasama na ang isang anesthesiologist upang magbantay ng tibok ng puso at paghinga ng pasyente.

Kailangan din daw na magsagawa muna ang doktor ng masusing pagsusuri sa pisikal na kalagayan ng pasyente, at kasama na ang laboratory analysis kung kinakailangan.

Ngunit sabi rin ni Ballecer, “walang problema” kung nais ng pasyente na sumailalim sa iba’t ibang cosmetic procedure.

“Wala naman silang (mga doktor) nilabag. Kung gusto ng pasyente na tatlong surgeries ang gawin at one time, walang problema doon,” ani Ballecer.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.