ALAMIN: Sino ang may kasalanan sa trahedya sa Mamasapano?

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2015 01:37 AM | Updated as of Mar 14 2015 10:06 AM

Isinapubliko na ang report ng PNP Board of Inquiry sa Mamasapano operation na kung saan 67 tao, kabilang ang 44 na SAF commando, ay napatay.

Ito ang mga nilalaman ng BOI report:

Umpisa pa lang, palpak na ang Oplan Exodus.

Nilabag nina Pangulong Aquino, resigned PNP chief Alan Purisima, at sinibak na SAF director Getulio Napeñas ang chain of command. Ayon pa sa BOI, sinarili nina Aquino, Purisima at Napeñas ang mga impormasyon tungkol sa misyon.

Bukod sa Pangulo ay marami ring nakitang pagkakamali ang Board of Inquiry kay Purisima.

Isa na rito ang hindi pagsunod sa suspension order ng Ombudsman. Nagbigay rin maling impormasyon si Purisima ukol sa nangyari sa Mamasapano.

Napuruhan din ang nasibak na SAF chief Getulio Napeñas sa resulta ng imbestigasyon.

Ayon sa BOI, maraming hindi sinunod na protocol si Napeñas, at binalewala ang opinyon ng kanyang mga sub-commander sa pagplano sa Oplan Exodus.