Traslacion, tingnan bilang 'bayanihan': historyador

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2018 01:07 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa halip na husgahan dahil sa kaguluhan, hinikayat ng isang historyador ang publiko na tingnan ang Traslacion ng Itim na Nazareno bilang bayanihan.

Ayon sa historyador na si Michael Charleston "Xiao" Chua, may pagkakaisang nangyayari sa gitna ng tila magulong dagsaan ng milyon-milyong debotong lumalahok sa prusisyon.

"Sa totoo lang 'pag tiningnan mo siyang mabuti, bayanihan talaga ito," ani Chua sa programang "Sakto" ng DZMM.

Halimbawa ni Chua, na isa ring propesor ng kasaysayan, ang pagsampa ng mga deboto sa likod ng ibang deboto para makadaan sa kapal ng tao at makalapit sa andas.

"Hindi nagpapaapak lang iyon, mayroon silang misyon na tulungan kang makaakyat kaya sila nagpapaapak," paliwanag ni Chua.

Isa pang halimbawa ang pagtutulungan umano ng mga deboto sa pagsalya sa andas.

"Kapag hindi na makasulong 'yong andas ... may sisigaw ng ‘salya,’ tapos mag-clear up iyong likuran para yung mga deboto, tatakbo sila grupo-grupo para i-push 'yong Nazareno," ani Chua.

May ibang manonood kasing mababa ang tingin sa Traslacion dahil nakikita lang umano nila ang gulo at hindi labis na nauunawan ang pagdiriwang.

"Even those anthropologists who study [Traslacion], parang feeling ko ang condescending nila sa mga deboto, parang ang tingin nila puro chaos," ani Chua.

"Mukha lang siyang magulo pero ito’y kalkuladong aksyon, may sistema," dagdag ni Chua.

Sa kabila nito, nagtalaga na ang ilang ahensiya ng gobyerno ng mga tauhan sa rutang dadaanan ng Traslacion sa Enero 9 para sa agarang pagbibigay ng ayuda sa anumang hindi inaasahang kagipitan.

Pinayuhan na rin ang mga buntis at may sakit na huwag nang makisabay sa prusisyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.