Bilang ng mahihirap, nakakaalarma

By Ayen Maharlica, reader

Posted at Jan 19 2009 05:45 PM | Updated as of Jan 20 2009 01:49 AM

Bilang ng mahihirap, nakakaalarma
 
Nakakabahala, ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mahihirap sa ating bansa. Lumilitaw sa survey na isinagawa ng Social Weather Sations (SWS) na ang bilang ng mahihirap na Pilipino ay umakyat na sa 52 porsyento o kabuuang 9.4 milyon. Ito ay batay sa isinagawang nationwide survey ng may 1,200 Pilipino mula noong November 28 hanggang December 1, 2008 habang 42 porsyento o 7.7 milyong pamilya naman ay nagugutom.
 
Sa ipinakitang graph na nalatlaha sa Business World, front page, may petsang December 22, 2008 , ipinapakita na sa panahon ng Estrada administration ay mababa ng kaunti sa 15% ang mahihirap. At sa panahon naman ng Arroyo administration ay umakyat sa 23.7% ang bilang ng mahihirap.
 
Mula naman sa graph na nalathala din sa pahayagang Business World, front page, may petsang January 12, 2009 , ipinapakita dito na mula pa noong rehimeng Marcos hanggang Arroyo administration ay naghihirap na. Sa panahon ng rehimeng Marcos ay mahigit sa 70% ang bilang ng mahihirap na Pilipino, habang bumaba sa 52% ang mahihirap sa ilalim ng Arroyo administration. Sapat na bang batayan ang graph na ito para masabing mula 1983 hanggang 2008 ay malaki ang nagawang pagbabago ng gobyerno upang iangat ang antas ng pamumuhay ng mamamayan? At noong 1983, ilan lamang bang populasyon mayroon ang Pilipinas kumpara ngayong 2009 na lumolobo na sa 90 milyon ang populasyon?
 
Kung tutuusin ay halos 26 milyong Pilipino ang patuloy na naghihirap sa kasalukuyan. Ang mga datus na ipinakita ay larawan ng isang mahina at bobong administrasyon dahil hindi nito alam ang kahulugan ng salitang mahirap. Kung ang larawan ng isang mahirap ay gaya ng nalathalang larawan sa Abante, front page, may petsang Enero 12, 2009 isang batang palaboy ay pinagkasya na lamang ang kanyang patpatin at manipis na katawan sa suot na sando dahil sa lamig habang natutulog sa lapag ng semento. Sadya bang bobo ang gobyerno upang hindi mabatid ang pangangailangan ng kanyang mamamayan. Anu-ano ba ang basic needs ng tao para mabuhay? Hindi ba’t napakasimple lang?pagkain, damit at bahay. Para sa isang bata na halos wala pang 10-taon, gaano niya matatagalan ang lamig na nararanasan natin ngayon? Eh, paano pa kaya kung marinig mo na magsalita ang isang bata at sabihin na “Please sir, I want some more.” Ito ay halaw sa nobela ni Dickens na “Oliver Twist”. Nagkaroon pa nga ng debate ang mga dalubhasa tungkol sa Diethetical Regimen noong 17th century kung sapat ba ang pagkain na ibinibigay kay Oliver, pangalan ng batang tinutukoy sa nobela.
 
Para sa isang magulang, hindi na siguro magdadalawang isip pa na bigyan agad ng pagkain ang kanyang anak kapag sinabing “gusto ko pa.” Ganito rin kaya ang ating gobyerno sa papel na dapat gampanan sa mga batang nagkalat sa lansangan? Sa mga batang nagiging biktima ng prostitusyom at nagiging alipin na rin ng droga sa murang edad? Tingnan na lamang ang mga batang nasa kalsada na sumisinghot ng ‘rugby’ sa supot, bakit ba nangyayari ang ganito? Marahil sa pagsinghot nila ng rugby ay nalilimutan nila ang katotohanan sa kanilang buhay. Ang gutom, kawalan ng bahay, damit at edukasyon at iba pang bagay na dapat tamasahin ng isang bata. Sino ba ang unang dapat tumulong sa kanila?
 
Ang gobyerno ang higit na may karapatan upang paglingkuran at tulungan ang kanyang mamamayan. Para ipatupad ito, may ahensya ang gobyerno na dapat mangasiwa sa ganitong sitwasyon. Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang dapat na sumagip sa mga street children. Ang ahensyang ito ang higit na may karapatan upang kalingain ang mga batang lansangan.
 
Kung ang gobyerno ay may inilaang P100 bilyon para sa mga infra projects nito upang matugunan ang global economic downturn ng bansa, sa aking palagay dapat na munang unahin ang pangangailangan ng may 26 milyong nagugutom na Pilipino at bigyan ng bahay. Sa lumabas na isyu ng Manila Bulletin noong Disyembre 25, 2008 para sa kanilang Christmas Special ay samu’t saring larawan ng kahirapan ang matutunghayan. Nariyan ang mag-ina na sa kalsada na lamang kumakain. At dahil sa kawalan ng lahat ay halos sabsabin na lang ang pagkain na nasa isang plastic na lalagyan. Sa sobrang kahirapan, halos pagkaitan sila ng malinis na pagkain, tubig, damit, bahay at edukasyon ng ating gobyerno. Larawan din ng kawalan ng bahay ang lalaking sa ‘manhole’ na lang nagawang matulog. Nakakaantig din ng damdamin ang isang mag-anak na tila pinagsakluban ng langit at lupa dahil kalungkutan ang mababanaag sa mukha. Marahil ay iniisip din nila kung saan kukuha ng pagkain. Ano pa kaya ang mga batang hindi alintana kung anong sakit ang posibleng makuha sa paggamit ng maruming kamay sa pagkain. At sa huli, kabilang ba sa P100 bilyong halaga ng infra projects ng gobyerno ang larawan ng mga bahay sa isang squatter area sa tabing ilog? Ito ba ang larawan ng isang gobyerno na may malasakit sa kanyang mamamayan?
 
Hindi pa ba sapat ang P100 bilyon na laan sa government’s infra projects at kailangan pa ng karagdagang P114 bilyon upang makatulong sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa dahil sa nararanasang global recession. Sinabi pa ng isang Malacanang economic adviser na muling rebisahin at ayusin ang 2009 budget, na tila hindi nasiyahan ay kinulang pa. Panibagong pag-utang, ibig sabihin panibagong sakripisyo ang ipapataw sa balikat ng mga naghihirap na Pilipino. Kung tunay na prayoridad ng gobyerno ang lahat ng mahihirap ay bakit maraming bata, matanda, at pamilya ang nagkalat sa lansangan? Buong pagmamalaki pang sinasabi ng ating gobyerno na masigasig nilang pinag-aralan at nilaanan ng pondo ang mahihirap na sa kanlang lenggwahe ay pondong laan sa “human capital formation like health and education than physical capital formation.” Sa larawang lumabas sa pahayagang Tempo, may petsang December 18, 2008 , isang Aeta na may pasang bata sa balikat at may hawak na ‘plakard’, ganito ang nakasulat: “Merry Christmas po sa inyo. Kami po ay namamasko. Salamat po!!!” Ito ba ang sinasabing pinaglaanan ng pondo para sa edukasyon. Ang mamalimos sa kalsada na hindi alintana ang peligrong hatid sa gitna ng A. Bonifacio Ave. , at C-3 Road sa Balintawak, Quezon City .
 
Sa lumabas naman na isyu ng Philippine Daily Inquirer noong December 25, 2008 ay nakapangutang ang gobyerno ng halagang P479.5 bilyon sa nakalipas na 11 buwan ng naturang taon. Maliban sa infrastructure projects at social services na pagkagastusan ay nakalaan din ito para pambayad sa mga pagkakautang ng gobyerno. Ilan bahay kaya ang kayang ipatayo ng P479.5 bilyon kung ang halaga ng isang Gawad Kalinga na bahay ay P100,000? Sa kwenta, maliwanag na 479,000 ang maipatatayo. Masuwerte ang mga walang tirahan kung ganito ang mangyayari. Mas makabubuti na magkaroon ng ulat sa bayan kung paano nalustay ang bilyong halaga. Mas higit na mauunawaan ng maraming Pilipino kung ipalalabas ng regular sa mga diyaryo o ipahahayag sa mga radio at telebisyon ang bawat sentimo ng halagang nagastos at inutang ng gobyerno. Sa ganitong paraan nagkakaroon ng ‘transparency’ hindi sa pagitan ng mga itinalagang opisyal kundi ng sambayanang Pilipino.
 
Samantala, kung noon ay likas ang pagkamatapang ng mga Pilipino dahil sa pagtulong sa kapwa Pilipino at pagtatanggol sa bayan ay dinadakila, nasaan na ang mga taong ito? Sa lumabas na isyu ng Philippine Daily Inquirer noong January 12, 2009 , may pamagat na “Glory Days of Filipino honor and valor”, makikita ang larawan ng isang Pilipino noong kasagsagan ng kanyang kabataan na puno ng katapangan, may respeto sa batas, may integridad at pagkamatapat. Ngayon, nasaan na ang mga Pilipinong larawan ng mga ganitong karakter? Marami sa kanila ay matatanda na at wala na ang lakas para ipaglaban ang kanilang prinsipyo. Gayunman, isang pamana ang kanilang pinasimulan at iiwan sa kabataan upang maglingkod sa bayan. Subalit, paano ba makakatulong ang kabataang nasa lansangan at salat sa edukasyon?
           
Paano mababago ng kabataan ang naghihirap na kalagayan ng kanyang bansa? Sa aking palagay, higit na magiging epektibo ang kabataan kung ngayon pa lamang ay pagtutuunan ng pansin ng gobyerno ang mga batang musmos na sa tiyan pa lamang ay bibigyan na ng karapatang mabuhay sa pamamagitan ng libreng ospital sa oras na ipanganak ng kanilang ina; edukasyon sa oras na mag-aral; pagkain, bahay at damit sa oras na iluwal; at trabaho sa oras na makapagtapos ng pag-aaral.    Sa lumabas na isyu ng Balita, front page, may petsang Disyembre 24, 2008, ang mga batang nasa larawan ay kuntento na sa paglalaro sa isang simpleng palaruan sa Baseco Compound. Ito ba talaga ang larawan ng kasiyahan ng isang bata? Dahil walang isip, bata at hangal pa sa mundong kanilang ginagalawan ay maluwag na natatanggap ang anumang idulog sa kanila. Ano na lamang ang kinabukasan ng mga batang ito?
 
Samantala, isa pang isyu na nalathala sa Philippine Daily Inquirer, p.19, may pamagat na “Dugo-dugo gang strikes, gets P40 million,” nangyari ang bagay na ito dahil sa kakulangan ng wastong edukasyon. Dahil ang isang ‘katulong’ ay sunud-sunuran lang sa utos. Ganito ang nangyari: Isang boses ang tumawag sa bahay na pinaglilingkuran ng katulong na nagpanggap na amo nito. Dahil kapos sa isip ang katulong, nagawa niyang sumunod sa utos na dalin ang bag na may lamang P40 million sa lugar na kanilang pinag-usapan. Matapos dalhin ay agad nitong ibinigay sa isang tao na nagpakilalang abugado ng kanyang amo.Dahil sa katangahan, nawala na parang bula ang bag na naglalaman ng P40 million. “Katangahan ba o kasabwat ang katulong sa krimen?
 
At sa panahon ngayon, tama bang sa bahay na lamang itago ang ganung kalaking halaga? At sa isang dating alkalde, paano siya nagkaroon ng ganung kalaking halaga? Gayunman, kung ang ipagpapatayo na bahay ng Gawad Kalinga ay nagkakahalaga ng P100,000 bawat isa ay aabot sa 400 bahay ang pakikinabangan ng mahihirap na walang bahay. Kasama na rin sana sa mabibigyan ng bahay at magandang edukasyon ang katulong kung ilalagay sa social service ang halagang nabanggit.
 
Ayen Maharlica