ALAMIN: Mga pelikulang aabangan sa 2018

ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2017 04:17 PM | Updated as of Dec 28 2017 09:26 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Mga bagong tambalan at kakaibang mga papel ang dapat abangan sa mga sinehan sa pagpasok ng 2018.

Una na rito ang "Ang Dalawang Misis Reyes," na pagbibidahan nina Judy Ann Santos at Angelica Panganiban.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Gagampanan ng pares ang papel ng dalawang misis na matutuklasang magkarelasyon pala ang kanilang mga mister.

Ipalalabas ang "Ang Dalawang Misis Reyes," na dinirek ni Jun Robles Lana, simula Enero 17.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Tampok naman si Anne Curtis sa "Buy Bust" ng direktor na si Erik Matti.

Ayon kay Anne, matitinding eksena ang dapat asahan sa kaniya sa pelikula. Sumailalim pa siya sa matinding pagsasanay para sa mga action scene.

Tambalang Sarah Geronimo at James Reid naman ang mapapanood sa "Miss Granny," na hango sa isang 2014 South Korean romantic comedy.

Ayon sa direktor nitong si Joyce Bernal, may kissing scene si Sarah -- pero kanino?

Balik-pelikula rin ang tambalan nina James Reid at Nadine Lustre sa "Never Not Love You."

 

Sabik na ang fans ng tambalan, lalo na't naglabas na ng mga retrato mula sa ilang eksena sa pelikula.

Maugong din ang pagsasama nina Piolo Pascual at Pia Wurtzbach para sa isang romantic comedy film.

Kasado na rin ang pelikulang "Panahon ng Halimaw" ng maestrong si Lav Diaz, tampok sina Pascual at Shaina Magdayao.

Kinuhanan ang ilang eksena ng "Panahon ng Halimaw" sa Malaysia.

Naipasa na rin ang papel ng mga kilalang Pinoy superhero sa bagong henerasyon.

Sa 2018 nakatakdang simulan ni Liza Soberano ang "Darna" at James Reid ang "Pedro Penduko."

Binubuo na rin ang kuwento para sa pagbabalik ni Vhong Navarro sa "Mang Kepweng Part Two."

Sisimulan na rin ang shooting ng horror-mystery film na "Eerie" na pagbibidahan nina Charo Santos-Concio at Bea Alonzo.

Ayon sa direktor na si Mikhail Red, iikot ang istorya ng pelikula sa isang mag-aaral na natagpuang patay sa isang exclusive school for girls noong dekada '90.

Dahil naman sa pagkakatabla nila bilang Best Actress sa 2017 Star Awards for Movies, usap-usapan din ang posibilidad na magsama sa isang pelikula sina Nora Aunor at Vilma Santos.

Nagpapahanap na umano ng magandang materyal na babagay sa dalawang aktres.

-- Ulat ni Jeff Fernando, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.