'It's business': Ryan Cayabyab sa pag-alis ng 'Ang Larawan' sa ilang sinehan

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2017 07:07 PM

Dismayado ang ilan sa mga bida at miyembro ng production team ng "Ang Larawan" sa pagkakaalis ng pelikula sa ilang sinehan.

Inalis ang pelikula sa higit 25 sinehan sa buong bansa dahil umano sa kita nito noong Pasko, unang araw ng pagpapalabas ng mga pelikula ng Metro Manila Film Festival (MMFF).

"Ganoon talaga eh, it's business. We understand that. Sayang lang kasi maraming taong hindi makakapanood," ani tanyag na kompositor na si Ryan Cayabyab, na lumikha ng musika para sa pelikula.

"Of course sad kami but we're doing very well in specific theaters. So well that people are applauding after the movie," pahayag naman ng bidang si Celeste Legaspi.

Ayon kay MMFF executive director Thomas "Tim" Orbos, karapatan ng mga may-ari ng sinehan na magtanggal ng mga palabas dahil ginagastusan din nila ang mga ito.

"This is the right of the theaters to pull out, nasa kanila po 'yun. You have to understand na gumagastos po sila," ani Orbos.

Dagdag ni Orbos, pumayag ang mga may-ari ng sinehan na kalauna'y ibalik ang "Ang Larawan."

"'Yong mga medyo nahuhuli ng kaunti, hihilahin namin. We will help them on a tour, we will advertise," ani Orbos.

Pero ayon sa mga producer, unti-unti nang binabalik sa mga sinehan ang pelikula dahil sa ingay at mainit na suporta ng mga netizen at artista.

Hahakot ng parangal

Sa kabila nito, isa ang "Ang Larawan" sa mga maingay na hahakot ng parangal sa awards night ng MMFF nitong Miyerkoles ng gabi sa Kia Theater, Quezon City.

"I'm feeling very confident na sa tagal ng panahon na ginugol namin dito sa paggawa, to make every aspect of this as perfect as possible ... wala talagang inispare na budget," ani Rachel Alejandro, isa sa mga bida sa pelikula.

Maingay din sa acting award sina Joanna Ampil ng "Ang Larawan," Jennylyn Mercado ng "All Of You," at Edgar Allan Guzman ng "Deadma Walking."

Mainit naman sa technical awards ang "Ang Panday" ni Coco Martin.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.