Hashtag members magkakatapat ang pelikula sa MMFF

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2017 11:35 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA – Markado at naging makulay ang career ng grupong Hashtags at mga miyembro nito ngayong 2017.

Marami ang nagulat sa biglaang pamamaalam ng kasamahang si Franco Hernandez na naging pagsubok sa kanilang samahan.

Pero ngayon, ang pagsubok na ito ang mas nagpatibay sa kanila.

“Natutunan namin na lahat ng malalapit na tao sa paligid mo, dapat pahalagahan mo na sila habang nandyan pa sila dahil hindi mo alam kung kailan sila mawawala,” ani Jon Lucas.

Ngayong 2017 Metro Manila Film Festival, kasama sina Jon at isa pang Hashtag member na si Jameson Blake sa horror movie na "Haunted Forest.”

Kasama naman ang Hashtag member na si Mccoy de Leon sa "Ang Panday.”

Magkakatapat man ang pelikula sa sinehan, nagsusuportahan pa rin sila.

“Mula nung nagsisimula pa lang kami, maraming nauunang projects. May nagkaroon agad ng teleserye. Ganun pa rin hanggang ngayon. Para pa rin kaming magkakapatid na proud sa isa’t isa kasi kahit saan kami pumunta, Hashtags pa rin ang dala naming pangalan,” sabi ni Mccoy.

Kaya ngayon, sa bawat projects at good news na matatanggap, mas bibigyan na nila ito ng halaga at buo ang suporta ng Hashtags.

“Nakita namin kung paano dapat bigyan ng importansya ang buhay namin lalo na sa mga mahal namin sa buhay. Mas maging solid, mas na-appreciate namin ang bawat isa,” dagdag pa ni Mccoy.

Looking forward na sa 2018 ang Hashtags kung saan malalaking projects ang kanilang binubuo para sa kanilang followers.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.