Box-office ranking ng MMFF, di ilalabas para iwas-‘bandwagon’

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2017 10:47 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagkasundo ang mga tagapangasiwa ng Metro Manila Film Festival (MMFF) na huwag nang maglabas ng box-office ranking o listahan ng mga kalahok na pelikula batay sa kita.

Karaniwan kasing inilalabas ng MMFF executive committee ang ranggo para ipaalam kung aling pelikula ang pinakapatok sa mga manonood.

Pero ayon sa nasabing kumite, hindi muna maglalabas ng ranking para hindi maapektuhan ang ibang pelikulang mahina sa takilya.

"The MMFF execom, along with the producers of the festival entries plus the theater representatives have agreed not to release any actual figures and rankings so as not to create a bandwagon effect on the viewers," ani MMFF spokesperson Noel Ferrer sa isang pahayag.

Paliwanag ni MMFF executive director Thomas Orbos, may ugali ang mga manonood na tumungo sa pelikulang angat sa ranggo.

"Napakahalaga po sa atin na pantay-pantay ang tingin natin sa lahat ng pelikula," ani Orbos sa panayam ng DZMM nitong Martes.

Watch more in iWantv or TFC.tv

"Hindi natin matatanggal . . . kapag may sinabi na No. 1 iyong isa ay talagang gusto nating panoorin," ani Orbos.

Ikinatuwa rin ng mga tagapangasiwa ng MMFF ang kabuuang kita ng lahat ng pelikula sa unang araw nito noong Lunes, araw ng Pasko. 

"First time, record-breaking [ang] first day ng MMFF in its history. Pinakamalaki na number of ticket sales kahapon sa buong kasaysayan ng MMFF," ani Orbos.

Pasasalamat

Samantala, sinuyod din ng mga bida ng mga kalahok sa MMFF ang mga sinehan para makinood at magpasalamat sa mga tumangkilik sa kanilang pelikula.

Kayod-kalabaw si Coco Martin, na nanood ng kaniyang pelikulang "Ang Panday" sa isang sinehan sa Pasay City.

Dumeretso rin ang aktor-direktor sa kalapit na theme park para makisaya sa mga bata bago mag-motorcade sa may Luneta.

Matapos nito'y tumungo pa sa sinehan sa Quezon City si Martin para sorpresahin ang mga manonood.

Nagpasalamat din ang cast ng "Haunted Forest" nang mag-ikot sa ilang sinehan.

Kabilang sa mga bida ng nag-iisang horror film sa MMFF ang Kapamilya stars na sina Jane Oineza at Maris Racal, at Hashtag members na sina Jameson Blake at Jon Lucas.

Sinugod din si Vice Ganda ang mga mall sa Pasay at Mandaluyong para pasalamatan ang mga nanood ng "Gandarrapiddo: The Revenger Squad."

Mapapanood ang mga pelikula ng MMFF hanggang unang linggo ng 2018.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.