Mga pelikulang kalahok sa MMFF, pinilahan sa unang araw

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2017 10:21 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Movie day para sa maraming pamilyang Pilipino ang Pasko kaya naman dinumog ng mga fans ang mga sinehan sa unang araw ng mga pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF).

Sa araw ng Pasko, marami agad ang sumugod sa mga sinehan at mahaba na ang pila sa mga pelikulang “Ang Panday” at “Gandarrapiddo: The Revenger Squad” umaga pa lamang.

Nag-surprise appearance din sina Vice Ganda, Pia Wurtzbach, at Daniel Padilla sa mga nanood.

Kasama rin ni Wurtzbach si Marlon Stockinger sa panonood ng kaniyang pelikula.

Ayon kay Vice Ganda, itinuturing niyang best Christmas gift ang magpasaya ulit ng mga pamilya at maligaya rin siya dahil sa dami ng tao na nanonood sa unang araw pa lamang.

"Ang saya, ang daming tao! Ito na 'yun, best Christmas gift ko 'yung mabigyan ulit ng chance na patawanin ko 'yung buong pamilya," aniya.

Sinurpresa rin ni Edgar Allan Guzman ang mga nanood ng “Deadma Walking” sa isang sinehan. 

Masaya rin siya sa mga narinig na comments tungkol sa pelikula mula sa mga nanood.

“Ang ganda raw ng 'Deadma Walking', napaiyak ko daw sila, 'yung mga ganu'n nakakataba ng puso talaga,” aniya.

Eksena sa Parade of Stars

Samantala, noong Sabado pa lamang ay todo-suporta na ang mga fans sa mga pelikula na nagpasiklaban sa Parade of Stars.

Sakay ng “Ang Panday” float, nangako si Coco Martin na hindi masasayang ang ibabayad ng mga manonood ng pelikula. 

“Ang sabi nga namin, talagang sinulit namin at susulitin namin ‘yung ibabayad niyo sa sinehan,” ani Martin. 

Masaya naman ang tampok sa pelikulang “Siargao” na si Jericho Rosales sa init ng pagtanggap sa kanila ng mga fans. 

“’Yung init ng pagtanggap nila dito sa Muntinlupa, ito na sobrang nararamdaman talaga,” ayon kay Rosales. 

Kinakabahan naman si Jennylyn Mercado bagaman naka-ilang beses na siya sa MMFF.

“Hindi natin masasabi kung ano ‘yung magiging reaksiyon ng mga tao,” sabi ni Mercado. 

Sobrang saya naman sina Vice Ganda at Daniel Padilla na makabalik sa MMFF.

“I’m back, I’m back! I missed this last year. Ang sarap. Gusto ko kasi ito e, itong float parade,” ani Vice Ganda.

“Nandito na naman ako, sa harap ng mga kababayan natin, very excited ako, masaya. Good vibes lang dito,” ani Padilla. 
    
Nakuhanan pa ng eksena ang pag-akyat ni Martin sa float ng “Gandarrapiddo: The Revenger Squad” na ikinasaya ng husto ni Vice Ganda.

 

A post shared by STAR Cinema (@starcinema) on

Matapos ang Parade of Stars sa Sabado at ang unang araw ng MMFF ngayong Pasko, aabangan naman ang mga mananalo sa awards night sa darating na Miyerkoles.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News