Jericho Rosales expects an award for his role in 'Baler'

By BOY VILLASANTA/ abs-cbnNEWS.com

Posted at Dec 25 2008 02:42 PM | Updated as of Dec 25 2008 10:42 PM

Hindi itinanggi ni Jericho Rosales na umaasa siya sa award sa kanyang pagganap bilang Katipunero sa pelikulang “Baler” ng Viva Films na isa saw along opisyal na kalahok sa 2008 Metro Manila Film Festival Philippines na kasalukuyang palabas sa mga sinehan ngayon.

Ayon kay Jericho, kampante siya na mapupunta sa kanya ang Best Actor award sa gabi ng parangal sa SMX Convention Center ng Mall of Asia sa Pasay City sa ika-27 ng Disyembre.

Sinabi ni Rosales na ginawa niya ang kanyang makakaya upang mabigyan ng katarungan ang kanyang papel. “It was a very challenging role. Wala pa akong role na ganyan katindi,” pahayag ni Rosales noong Miyerkules ng gabi.

Hindi anya siya natatakot sa iba pang aktor na makakalaban niya sa kategorya.

“It’s a free for all contest,” katwiran ng kontrobersyal na aktor.

Kalaban niya sa pagka-Best Actor ang mga batikang sina Christopher de Leon at Jinggoy Estrada para sa dramatiko ring obrang “Magkaibigan” ng Maverick Films. 

Aminado ang batang aktor na isang karangalan ang mapabilang sa isang historical movie na tulad ng “Baler.”

“Marami sa akin ang hindi pa enlightened sa importansiya ng Baler sa ating buhay, kung bakit ang lugar na ito ay dapat balik-balikan. Kaya nga when I was offered this, hindi ako nagdalawang-isip,” kuwento ni Jericho.

Nakatuon ani Echo ang kanyang atensyon sa pag-arte ngayon lalo na at wala naman siyang kinasasangkutang love life na maaaring makaapekto sa kanyang mga propesyunal na desisyon.

“Career muna. Marami akong dapat bawiin,” wika ni Echo.

Hudyat ang “Baler” sa muling pamamayagpag ng career ni Rosales bukod pa sa kanyang mga TV show.

Ayon kay Rosales, nahirapan siya sa pagganap bilang rebolusyunaryo sa pelikulang idinirek ni Mark Meily dahil sa kailangang kabisaduhin niya ang kasaysayan ng Pilipinas sa panahon ng mga Kastila.