Mga kalahok sa Metro Manila Filmfest, nagpasiklaban sa Parade of Stars

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2017 09:29 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Umaraw at umambon ngayong Sabado pero tuloy pa rin ang taunang Parade of Stars ng mga pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF).

Siksikan ngunit masaya ang mga dumayo at nag-abang sa Parade of Stars sa Muntinlupa.

Naghiyawan ang mga fans sa naglalakihang artista sa bawat karosa gaya ng “Ang Larawan” kasama sina Rachel Alejandro at Paulo Avelino. 

Star-studded din ang “Ang Panday” sa pangunguna nina Coco Martin, Jake Cuenca, beauty queens Mariel de Leon at Kylie Verzosa, at marami pang iba.

Hindi rin nagpatalo ang stars ng “Haunted Forest” at “Meant to Beh” ni Vic Sotto.

Surfboards naman ang tema ng float ng "Siargao" nina Jericho Rosales, Erich Gonzales, at Jasmine Curtis-Smith.

Mala-Chinatown naman ang "All of You" nina Jennylyn Mercado at Derek Ramsay na may bonus pang kanta ni Darren Espanto para sa theme song ng pelikula.

Nasa Parade of Stars din ang makulay na tandem nina Joross Gamboa at Edgar Allan Guzman sa “Deadma Walking.”

Nagpasiklab din ang bigating cast ng "Gandarappido: The Revengers Squad" na sina Vice Ganda, Pia Wurtzbach, at Daniel Padilla.

Bahagyang nahirapan ang ilang floats dahil may ilang makikipot na kalsadang dinaanan pero game na game ang lahat ng artista kahit pa pa-iba-iba ang panahon at umambon sa gitna ng parada. 

Magpapahinga muna ng isang araw ang mga kalahok sa MMFF bago mag-ikot sa mga sinehan sa araw ng Pasko para makasama ang mga fans.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.