Heart Evangelista: It’s all over

by Heidi Anicete, ABS-CBN.com

Posted at Dec 22 2009 11:24 AM | Updated as of Dec 22 2009 07:24 PM

MANILA, Philippines - Nitong lamang Linggo sa “The Buzz” ay tinuldukan na ng sexy-actress na si Cristine Reyes ang mainit na intrigang kinabibilangan nila ng dating kasintahang si Dennis Trillo at ang nali-link sa nabanggit na binata na si Heart Evangelista.

Para matapos na nga ito, isa-isang sinagot ni Reyes ang mga maiinit na tanong ng host na si Kris Aquino, kung saan kinumpirma na nga niyang minsan siyang nagpadala ng mensahe sa kaibigang si Ruffa Mae Quinto para ipaabot kay Evangelista ang pagkadismaya niya sa pagiging sobrang lapit nito kay Trillo, na noon mga panahong iyo’y boyfriend pa niya.

Sa magkahiwalay namang panayam sa “SNN: Showbiz News Ngayon,” nagbigay din ng reaksyon sina Evangelista at Trillo kaugnay ng naging pasabog ni Reyes sa “The Buzz.”

Ayon kay Evangelista, kung siya raw ang tatanungin kaugnay ng naging isyu sa pagitan nila, sadyang lipas na raw ito para sa kanya lalo pa’t matagal na rin naman daw ang pangyayaring ito.

Pagbibigay diin nga niya: “Matagal nang tapos ‘yon. It’s all over.”

Ngayon ngang sinasabing nagkaayos na sina Reyes at Evangelista, agad namang ibinahagi ni Trillo ang kanyang lubos na pagkatuwa; ngunit kaugnay ng naging mensahe sa kanya ni Reyes patungkol di umano sa hindi nito pagtatanggol sa kanya, isang malambing at tikom-labing ngiti lamang ang kanyang nagawang isagot ng binata.