Alisah, ibinahagi ang hirap na pinagdaanan sa 'X Factor UK'

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2017 11:58 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA -- Hindi naging madali ang pinagdaanan ni Alisah Bonaobra sa talent reality search na "The X Factor UK."

Sa "Magandang Buhay" nitong Huwebes, ibinahagi ni Alisah na isang tagahanga niya ang nagbigay daan para siya makasali sa nasabing kompetisyon.

"Ibinigay niya 'yung audition link sa akin. Tapos sabi ko try lang, kasi wala po kaming pamasahe. Tapos 'yon, almost 175 nurses sa UK na friend ni Mama sa pinagtitindahan niya ang nagbigay sa amin ng contributions," ani Alisah.

Pagdating sa UK, hindi rin naging madali para sa kanya na ipaglaban ang sarili.

"Sobrang hirap, lalo na noong live shows, kasi ako na lang 'yung natitirang Filipino. So talagang lahat ng mata nila nakatingin sa akin at sinasabi nila, sige nga tingnan natin hanggang saan ang kaya mo. 'Yung English pa lang po sobrang hirap ng intindihin," ani Alisah.

Isa sa hindi makakalimutang bahagi ng pagiging parte niya ng "The X Factor UK" ay noong ayawan siya ni Simon Cowell sa boot camp.

"'Yung time na 'yon, sobrang hindi ko ini-expect kasi 'yung nakikita sa camera ay sobrang hirap i-explain. Noong time na 'yon hindi ko ini-expect na bibigyan pa niya ako ng chance kung hindi po talaga umakyat si Nicole para i-please siya na deserve kong maka-go through. Talagang sinabi ko na hindi pa ako pwedeng umuwi. Kasi after noong audition 'yun na 'yung next. So parang sobrang bilis naman po. Sa lahat na nag-contribute parang utang ko sa kanila lahat. Kung iisipin ko po na hindi ko ginalingan at ganoon na lang po ako kadali natanggal parang hindi ko po talaga tanggap," ani Alisah.

Ayon kay Alisah, pamilya ang naging inspirasyon niya para maging matatag sa kompetisyon. Pangako ni Alisah, gagawin niya ang lahat para makuha ang pangarap at magandang buhay para sa kanyang mga minamahal sa buhay.

Sa ngayon, pangarap ni Alisah na magkaroon ng puwang sa industriya ng musika sa bansa.

"After 'The X Factor,' na-enjoy ko po talaga 'yung camera, 'yung mga taong nai-inpisre ko. Parang ayaw ko lang pong tumigil kumanta. Gusto ko pong kumanta sa TV at hopefully ay mabigyan ng career," ani Alisah na masayang makasama ngayong Pasko ang kanyang pamilya.

Matatandaang bago sumabak sa "The X Factor UK," naging runner-up sa Season 2 ng "The Voice of the Philippines" si Alisah. Naging parte rin siya ng musical na "Rak of Aegis."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.