BALIKAN: Mensahe ng nasawing K-pop idol sa Pinoy fans

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2017 09:40 PM | Updated as of Dec 19 2017 11:03 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagluluksa ang fans ng Korean pop (K-pop) sa pagpanaw ni Kim Jonghyun, miyembro ng sikat na grupong Shinee.

Nitong Lunes, natagpuan ang 27 anyos na si Jonghyun sa loob ng isang apartment sa Gangnam District ng Seoul, South Korea.

Kinompirma ang balita ng kapatid ni Jonghyun, na siya ring tumawag sa mga awtoridad.

Ayon sa pulisya, malinaw na nagpakamatay ang mang-aawit at hindi na rin ito dadaan sa autopsy alinsunod sa hiling ng pamilya.

Inilabas naman ng kaibigan ni Jonghyun na si Nine9, mula sa grupong Dear Cloud, ang isang sulat na iniwan ng mang-aawit.

Nakasaad sa liham na hindi nalabanan ni Jonghyun ang depresyon.

Labis namang ikinalungkot ng Filipino fans ng Shinee ang pangyayari.

Agad bumuhos sa social media ang pagdadalamhati at nag-trend ang hashtag na #RosesForJonghyun.

Huling bumisita si Jonghyun, kasama ang Shinee, sa Pilipinas noong Marso para sa One K Global Peace Concert.

Sa panayam ng ABS-CBN News dati kay Jonghyun at sa ka-grupo nitong si Key (Kim Kibum), ipinahayag nito ang pagnanais na ibahagi ang musika ng kanilang grupo sa mga tagahanga sa bansa.

Isa ang Shinee sa mga grupong nanguna sa pagtaguyod ng "Hallyu" (Korean wave) o popular na kultura ng South Korea nang magsimula itong sumikat sa ibayong dagat.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.