Pambato ng Pilipinas, pumangalawa sa 'AGT 2'

ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2017 12:24 AM

Itinanghal na runner-up ang Pinoy act na DMX Comvaleñoz sa season 2 ng "Asia’s Got Talent" nitong Huwebes ng gabi. 

Pumangalawa ang DMX Comvaleñoz sa grand winner na si The Sacred Riana mula Indonesia, na mag-uuwi ng $100,000.

Sa mga nakaraan nilang pagpapasikat, standing ovation at walang tigil na hiyawan ang maririnig para sa grupo ng dancers mula Compostela Valley. 

Hataw ang DMX Comvaleñoz sa kanilang mga sayaw at hindi mawawalang tumbling sa buong entablado.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa kabila nito, nabigo ang grupo na masundan ang panalo ng grupong El Gamma Penumbra na pambato ng Pilipinas sa season 1 ng kompetisyon.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Bagaman hindi napabilang sa top three, nagpasiklab din naman sa kompetisyon ang dalawa pang Pinoy acts na Urban Crew at si Neil Rey Garcia Llanes, na umabot din sa finale.

Breakdancing at death-defying moves ang naging bala ng grupong Urban Crew sa kompetisyon.

Nakamamangha rin ang beatbox performance ni Neil Rey Garcia Llanes. 

Ito ang ikalawang subok niya sa kompetisyon matapos mag-back out noong season 1 para ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral. 

Nanghihinayang man nang hindi makamit ang kampeonato, life changing para sa Pinoy acts ang makasama sa kompetisyon. 

“Twelve years old po akong nag-start na naging palaboy-laboy and then nakita ako ng leader namin. Siya po ‘yung tumulong sa’kin sa tamang direksiyon ng buhay,” kuwento ng isa sa mga miyembro ng Urban Crew. 

Nakapasok sa finale ng talent competition ang tatlong Pinoy acts na nabanggit matapos mapabilib ang tatlong hurado na sina Anggun, Jay Park at David Foster.

Anim pa na performers mula sa iba't ibang bansa sa Asya ang nakalaban nila sa finale. 

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.