Coco Martin, natupad ang pangarap na European trip

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2017 02:58 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA - Natupad na pangarap ni Coco Martin ang nakaraan niyang European trip kasama ang kanyang Lola Matilde.

Si Lola Matilde ang nagpalaki kay Coco at malapit siya rito kaya naman bakas ang kasiyahan ng mag-lola habang naglilibot sa iba't ibang scenic spots ng Italy, partikukar na sa mga simbahan dahil relihiyosa ang lola ni Coco at pagkakataon na rin para magpasalamat sa mga blessings na natatanggap.

"Sobra-sobra po kasi nagkaroon po ako ng pagkakataon na makapamasyal kahit kaunti. Nakapunta kami sa Padre Pio kasama ko ang lola ko. Nakapagpasalamat po kami sa lahat ng mga blessings at ngayon, nandito kami sa Rome para makapagsimba," ani Coco sa isang video na kuha noong sila'y nasa Roma pa.

Kahit nasa malayong lugar, present pa rin ang celebrity status ng "Ang Panday" actor dahil kaliwa’t kanan ang pakikipag-selfie ng ating nga kababayan sa kanya.

"Kasi noong araw po, isa rin akong tagahanga. Alam ko 'yung pakiramdam na makita mo 'yung hinahangaan mo. Kaya kapag nakikita ko po sila, niyayakap ko po sila para makapagpasalamat sa kanila at makamusta sila kung paano ang buhay dito. Kahit paano, sa maikling pamamaraan na iyon, mapaligaya ko sila," sabi ni Coco.

Sulit ang maiksing bakasyon ni Coco kasama si Lola Matilde.

Nagkaroon din ng pagkakataon si lola na muling masolo ang apo na busy na ngayon sa showbiz career.

"Ngayon po, natutuwa ako na dahan-dahan ko nang natutupad ang mga pangarap ko. Isa-isa ko na naisasama ang mga pamilya ko dito sa abroad para makita rin po nila ang mga bagay na napupuntahan ko at nakakapagpasalamat ako sa mga kababayan natin dahil kundi dahil sa kanila, wala po ako kung nasaan po ako ngayon," ani Coco.

Ngayon, balik-showbiz na si Coco at hinaharap na ang promotions ng pelikulang "Ang Panday" na ipapalabas sa December 25.