Vice, 'nagulat' nang sampalin ni Pia

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2017 11:48 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Agaw-pansin si Vice Ganda sa kaniyang costume habang ipino-promote ang Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na "Gandarrapiddo: The Revenger Squad."

"Siyempre, wala namang ibang nakakaalam ng brand ni Vice kundi si Vice kaya nagco-collab kami, magde-design kami, tapos may inputs ako," kuwento ni Vice sa kaniyang bonggang costume.

Pabiro pa niyang sabi, "Hindi costume 'to, casual wear ko 'to."

Iikot ang kuwento ng pelikula sa tatlong nilalang na may iba't ibang kapangyarihan.

Kasama ni Vice sa pelikula sina Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach at Daniel Padilla.

Ibinunyag naman ni Vice ang nangyari sa kinukuhanang sampalan na eksena nila ni Wurtzbach.
    
Aniya, ilang beses kinuhanan ang tagpo dahil mahina ang sampal ng beauty queen.

Hanggang sa sinabihan ni Vice si Wurtzbach na gawing makatotohanan ang sampal para maganda ang kalabasan sa pelikula.

Nagulat si Vice nang sampalin siya bigla ni Wurtzbach, pero hindi pa pala rumorolyo ang camera.

"Nakailang cut siya [Wurtzbach] kasi 'yong dinadaplisan niya lang..." kuwento ni Vice. "Huling 'pak' niya, hinawakan ko 'yong kamay niya tapos sabi ko 'Pia, itama mo sa mukha ko, lakasan mo, OK lang ako'."

"Pagbitaw ko ng kamay niya, 'pak' sapul sa mukha! Sabi ko 'Pia, wait lang, hindi pa take!"

"General Patronage" ang kanilang pelikulang rated "B" ng Cinema Evaluation Board (CEB).

HAUNTED FOREST

Natatanging horror entry naman sa MMFF ang "Haunted Forest."

Kasama sa pelikula ang Kapamilya stars na sina Jane Oineza, Maris Racal, Hashtags Jameson Blake, at Jon Lucas na gumanap sa karakter ng mga lumalaban sa malignong si "Sitsit."

"Parental Guidance ang horror movie na rated "B" ng CEB.

-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.