Robin ipinaliwanag ang pakiramdam nang makasama ang apo

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 12:50 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA – Sa victory press conference para sa pelikulang “Unexpectedly Yours,” inihayag ni Robin Padilla ang kanyang masayang nararamdaman bilang lolo kay Alas na anak ni Kylie Padilla kay Aljur Abrenica.

Mahirap daw ipaliwanag ang magkakasamang positibong emosyon kapag apo na ang pinag-uusapan.

“Iba kasi kapag apo eh. Kapag sa anak kasi, didisiplinahin mo lang. Kapag apo, malalim 'yung nararamdaman ko,” aniya.

“Tapos hindi pa umiiyak. Buong kasal nasa akin eh. Doon lang siya naging maligalig nung communion. Pero 'yung buong kasal, kandong ko lang siya,” dagdag pa ni Robin.

Samantala, proud si Robin sa marangal na trabaho ng kapatid na si BB Gandanghari bilang Uber driver sa Amerika.

“Kinakabahan lang ako kasi minsan nagme-message siya sa akin. Nag-cross country siya. Nagda-drive siya para sa isang hindi niya kilala. 'Yun lang ang [worry ko]. Sabi ko, ‘Kailangan tol lumabas ang pagka-action star mo diyan.’ Pero ako naman, natutuwa ako dahil 'yung mga gusto niyang gawin, ginagawa niya. Hindi kagaya nung kinikimkim niya lahat,” sabi ni Robin.

Bukod sa pagiging Uber driver, panay din daw ang audition ni BB para sa iba’t ibang roles.

Damang dama naman ang kapaskuhan sa tahanan ng mga Padilla. Nagdadala raw ito ng saya lalo na sa mga bata.

“Si Mariel kasi, mayroon silang kultura na dapat respetuhin. May Christmas tree sa bahay, may reindeer. Its’ more on the culture and tradition,” aniya.

Palabas pa rin sa mga sinehan hanggang ngayon ang pelikula ni Robin kasama si Sharon Cuneta na “Unexpectedly Yours.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.