Maxene, ibinahagi ang taong hahanap-hanapin sa kanyang kasal

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2017 01:46 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA -- Hindi napigilan ni Maxene Magalona ang maging emosyonal sa pagsasabing hahanap-hanapin niya ang kanyang ama na si Francis Magalona sa kanyang kasal. 

Ikakasal si Maxene sa fiance nito na si Rob Mananquil. 

Sa "Magandang Buhay" nitong Huwebes, inamin ni Maxene na lagi niyang naalala ang ama sa tuwing dadalo sa kasal. Aniya, siguradong maiisip niya ang ama sa kasal nila ni Rob.

"Alam mo, grabe. Ever since na mawala si Papa, tapos maga-attend ng wedding, 'yung father-daughter dance, 'di mo mapigilan na ma-miss mo si Papa, pati 'yung nakikita mong naglalakad down the aisle," ani Maxene.

"Siyempre nakakalungkot, but ganoon talaga. Yes, sobrang mami-miss ko talaga 'yon. That's one of the things na talagang maaalala at maiisip on my wedding day. Sobrang close kasi talaga kami ni Papa," ani Maxene na inaming kinakausap pa rin ang ama sa mga panahong sinusubok siya.

"Feeling ko kasi si Papa napakalakas niyang tao and idol siya ng lahat, pero ako pinaka-idol ko talaga siya," ani Maxene.

Tulad niya, ibinahagi rin ni Maxene ang paghanga ng kanyang mapapangasawa sa kanyang ama.

"Sobra niyang iniidolo si Papa. He's also a musician. The way he respects my dad ibang klase," ani Maxene. 

Noong 2009 ay binawian ng buhay si Francis, ang tinaguriang King of Rap, matapos ang ilang buwang pakikipaglaban sa leukemia.