'KathNiel' nagkuwento tungkol sa 'pasabog' na episode

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2017 09:14 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Matapos ang trending episode ng “La Luna Sangre” sa pag-iibang anyo ni Kathryn Bernardo bilang lobo, inihayag ng tambalang KathNiel na umpisa pa lang ito ng mga mas aabangan pang pasabog na eksena.

Tuluyan nang nag-transform nitong Martes bilang isang ganap na lobo si Malia, ang karakter ni Bernardo sa seryeng “La Luna Sangre.” 

Inabangan naman ito ng mga fans kaya pumalo sa 38.5 percent ang ratings nila, bagay na ikinasaya ng “La Luna Sangre” stars.

“Worth it naman lahat and ang ganda rin ng feedback ng tao sa episode kaya masaya… ‘Yung action team pinaghirapan ‘yun, also sina direk Frasco [Mortiz] ang tagal nilang pinag-isipan kung anong magiging itsura ng lobo, kung paano ‘yung paghaharap namin ni Sadrino,” ayon kay Bernardo.

“Masaya kami dahil na-enjoy ng tao ‘yung episode,” dagdag pa niya. 

Nagpapasalamat din ang katambal ni Bernardo na si Daniel Padilla sa mga fans na nag-aabang sa naturang serye. 

“Taos-puso kaming nagpapasalamat sa lahat nung mga nag-abang ng episode, nung transformation ni Malia, and very happy kami sa feedback ng mga tao and siyempre deserve nila ‘yun na magpakita kami ng magandang episode para sa kanila. And thank you at nagustuhan po nila,” ayon kay Padilla. 

Dagdag pa sa achievements ng “La Luna Sangre” nang pangalanan silang “most tweeted teleserye of 2017” sa Twitter. 

“Ang titiyaga naman talagang mag-tweet, mag-post ng KathNiels and sila ‘yung dahilan kung bakit na-reach ‘yung spot na ‘yan. And ayun, patuloy kaming nagpapasalamat kasi ang laking bagay niyan especially sa online, special media para ma-promote ‘yung “La Luna,” ani Bernardo. 

Tikom man sa detalye, ibinida ng KathNiel na marami pang nakatakdang pasabog sa “La Luna Sangre”.

“Parang simula palang ‘to ng mga kailangan nilang abangan, kung ano pa bang mangyayari kay Malia after transformation,” ayon kay Bernardo.

“Ngayon nga papasok na tayo sa book two ng “La Luna Sangre.” Lalong iinit pa ‘yung mangyayari talaga, dito talaga mangyayari ‘yung mga aksiyon… Si Tristan, ano nga ba ang kapangyarihan niya? Ano nga ba ang nasa propesiya?” dagdag pa ni Padilla. 

Excited naman si Padilla sa pagsabak niya sa Metro Manila Film Festival bilang isa sa mga bida ng “The Revengers Squad” lalo na at may special participation ang katambal na si Bernardo.

Patuloy rin ang pamamayagpag ng KathNiel sa ibang bansa dahil nominated si Bernardo bilang best foreign actress at si Padilla bilang best foreign actor sa 2017 Blue Star Awards sa Vietnam.

Nominado rin ang kanilang remake ng "Pangako Sa'yo" bilang favorite foreign TV show. Makakalaban nito ang isa pang Kapamilya teleserye na "Moon of Desire." -- Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.