Dolphy admits undergoing oxygen therapy

By Mario Dumaual, ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2010 09:03 PM | Updated as of Dec 08 2010 08:34 AM

MANILA, Philippines – Iba't ibang emosyon ang ipinakita ni comedy king Dolphy sa muli niyang paglutang para ilunsad ang kanyang Metro Manila Film Festival entry na “Father Jejemon.”

Ang tindi ng pasasalamat ni Dolphy ay ang nairaos pa niya ang pelikula sa kabila ng kanyang sakit at katandaan. Ginawa pa niyang katatawanan ang pag-amin niyang nag-o-oxygen na siya.

"Bakit ako mahihiya, nag-o-oxygen ako talaga eh. Pati mga singer nag-o-oxygen, pati mga basketball player nag-o-oxygen din eh," biro niya.

Kaya lang daw baka daw ito ang sagabal sa relasyon nila ni Zsazsa Padilla. "Naku eh papakasalan pa ba ako noon e nag-o-oxygen na 'ko! Ha ha ha!" ani Dolphy.

Inialay ng aktor ang pelikula sa Divine Diva na kamakailan lang ay naiyak sa “TV Patrol” dahil sa pag-alala sa kanyang partner at sa project kung saan siya na ang tumatayong producer.

"Salamat. Ikaw (Padilla) talaga ang binigay sa akin ng Panginoong Diyos," sabi ni Dolphy sunod ng palakpakan ng media.

Dagdag ni Dolphy, mabuti nga daw at nailabas ni Padilla ang kinikimkim niyang emosyon. "Sabi ko nga shout it out! Ha ha ha! (Ano pa sinasabi niyo kapag kayong 2 lang?) Kapag kami lang, huwag na censored eh. Ha ha ha," sabi ng aktor, habang tumatawa si Padilla.

Pero may halong lungkot din ang okasyon dahil sa kasong rape ng apo ni comedy king kay Dolphy Jr. sa Laguna.

Bagamat pinatawad na ni Dolphy Jr. ang suspek, iginiit naman ni Dolphy na dapat itong managot dahil sa malaking kasalanan niya sa 22-anyos niyang dalagang apo na isang special child.

"Dapat talaga mabigyan ng hustiya. Hindi na baleng babae nga 'yon eh kaso special child 'yon eh," ani Dolphy.

Buhos ang suporta ngayon sa comedy king dahil maaring ito na raw ang huli niyang filmfest entry. Nagawa na rin daw niya ang lahat pero may mga alok pa ring dumarating tulad ng isang concert tour sa 2011.

Mananatili na lang daw siguro sa kanyang "bucket list" o mga huling hiling ang gumanap sa pelikulang tulad ng “God Almighty” o "Oh God” kung saan puwede siyang gumanap na diyos.