Pia Wurtzbach, sabik makasalamuha ang Miss U candidates

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2017 10:28 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ikinatuwa ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach nang malaman nitong inspirasyon siya ng kasalukuyang Miss Universe na si Demi-Leigh Nel-Peters.

Binitawan ni Demi, na pambato ng bansang South Africa, ang pahayag sa Twitter sa gitna ng "Ask Miss Universe” kung saan sinasagot niya ang mga katanungan ng kaniyang mga follower.

Sinabi ni Pia na sususportahan nito si Demi sa pagbisita niya sa Pilipinas.

"Yes, I'm so excited ... I think we will really love that Demi's first trip will be here in the Philippines," ani Pia sa panayam ng ABS-CBN News.

Makakasama ni Pia ang mga kandidata ng Miss Universe sa isang charity ball fashion show, tampok ang maraming Pinoy designers.

Pero hindi na niya masasamahan ang mga beauty queen sa kanilang paglilibot sa bansa.

"The rest, they can enjoy touring na," aniya.

Magiging abala na kasi siya sa pag-promote sa pelikulang pinagbibidahan nila nina Vice Ganda at Daniel Padilla na "Gandarrappido: The Revenger Squad". 

Matatandaang nagsilbing hurado si Pia sa coronation night ng pageant.

Abala rin si Pia sa pagiging panauhin ng programang "It's Showtime", kung saan sinusubukan niyang burahin ang kaniyang imaheng beauty queen sa pamamagitan ng pagpapatawa.

Samantala, nagsimula nang dumating sa bansa nitong Martes ang ilang kandidata ng Miss Universe. Kabilang dito sina Lauren Howe (Miss Canada), Anna Burdzy (Miss Great Britain), at Manuela Bruntraeger (Miss Singapore).

Sa Miyerkoles, Disyembre 6, maglilibot ang mga kandidata sa Intramuros at Luneta bilang bahagi ng "Bring Home A Friend" tourism campaign ng bansa.

-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.