Zanjoe, nagsalita sa estado ng relasyon nila ni Bela

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2017 12:35 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA -- "Magkaibigan lang kami."

Ito ang tugon ng aktor na si Zanjoe Marudo sa tanong tungkol sa kung ano na ang estado ng relasyon nila ni Bela Padilla.

Sa "Magandang Buhay" nitong Martes, nagbahagi ang aktor tungkol sa kung ano ang mayroon sa kanila ng aktres na nakasama niya noon sa seryeng "My Dear Heart."

"Magkaibigan lang talaga kami," ani Zanjoe.

Nang matanong tungkol sa palitan nila ng komento ng aktres sa Instagram, ibinahagi ni Zanjoe kung saan ito nagsimula.

"Hindi kasi siya mahilig mag-comment sa mga post ko, mag-like o mag-comment. Tapos nag-comment siya. Sinagot ko, kailangan ko pang mag-hubad para mag-comment ka," ani Zanjoe.

"Parang nagulat ako na nag-comment si Bela sa post ko na ito. So lagi na akong magpo-post ng nakahubad," pabirong dagdag ng aktor.

Sa "Magandang Buhay," nagbahagi rin ang aktor kung paano siya nakapag-move on mula sa dating relasyon.

"Ako ngayon, mas ginawa kong mag-isa, mas niramdam ko 'yung feeling ng malungkot. Madalas kasi tinatakasan ko. Kapag alam kong malulungkot ako, mapupunta ako sa ganoong sitwasyon, ginagawan ko kaagad ng paraan, tinatakasan ko siya. Ngayon hinarap ko siya, dinama ko talaga. Kasi baka mamaya ay hindi ko na siya ulit maramdaman, sayang 'yon, feeling 'yon. Baka pagkatapos nito ay masaya na ako forever, sayang naman na hindi ko siya na-experience," ani Zanjoe.

Matapos umibig at masaktan, aminado ang aktor na naiba ang tingin niya sa pag-ibig.

"Dati mas takot ako, hindi ako 100% na ibinibigay lahat. Para akong laging may doubt, hindi ako sigurado. Siguro sa susunod parang kapag naramdaman ko na, ayun na, kaya kong ipagpalit ang lahat para doon," dagdag ng aktor.

Ani Zanjoe kung mabibigyan ng pagkakataon, hahanapin niya ang isang babae na kapareho niya ng "love language" para mas madali silang magkaunawaan.

Pero sa ngayon, aminado ang aktor na takot siya sa commitment.

"Gusto kong alamin kung bakit ako takot. Siguro nga 'yon ang dapat kong matutunan ngayon," ani Zanjoe.
 
Sa ngayon ay bibida ang aktor sa pelikulang "Fallback" kasama ang aktres na si Rhian Ramos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.