Amy Perez, inalala ang yumaong si Franco ng Hashtags

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2017 12:31 PM | Updated as of Nov 14 2017 01:12 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA -- "Mabait na bata."

Ito ang naging pag-alala ni Amy Perez sa kasamahan niya sa "It's Showtime" na si Franco Miguel Hernandez Lumanlan na nasawi matapos malunod sa Davao Occidental nitong Sabado.

Sa programang "Sakto" ng DZMM, ibinahagi ni Amy ang pagpunta niya sa burol ni Franco, isa sa miyembro ng grupong Hashtags, nito lamang Martes ng umaga sa Arlington Memorial Chapel sa Quezon City, kung saan niya nakilala ang ina at lola nito.

"Nakilala ko ang mommy ni Franco at kanyang lola na siyang nag-alaga pala at nagpalaki kay Franco. Siya ay 82 years old. Ang amin pong taos-pusong pakikiramay sa pamilya. At si lola nga ay sabi niya, 'Sana ako na lang, Amy.' Yun ang paulit-ulit niyang sinasabi," ani Amy.

"At sinabi ko nga sa kanya, 'Naku, napakabait pong bata ng inyong apo.' Mabait, malambing sabi ko. Lagi 'yan bumabati. At after ng opening number nila ng Hashtags na kapag 'yan ay walang pawis o hindi pinagpawisan sa sayaw, lalapit 'yan sa akin, sasabihin, 'Tiyang, pwedeng mag-beso wala akong pawis.' Biru-biruan 'yan nila ni Vitto (Marquez), kasi kapag pawisan sila niloloko ko sila, 'Ang babaho niyo, amoy pawis kayo, huwag niyo akong halikan.' Nanay na comment 'yon, so nagtatawanan sila palagi. So kapag walang pawis ay pwedeng mag-beso," kuwento ni Amy.

Maliban kay Amy, nagbahagi rin ng kanyang alaala tungkol kay Franco ang co-host nito sa "Sakto" na si Marc Logan.

"Ang mga naaalala kong talagang close diyan bukod siyempre sa buong Hashtags, 'yan nga sina Vitto, si Tom (Doromal) na nakasama niya. Saka 'yung sinasabi mo, totoo 'yan. Hindi mo siya mauunawaan sa pagbati. Sa sandaling panahon, hindi naman ako taga-'Showtime' pero nakikita ko siya sa hallway, hindi siya nagmimintis, nauuna siyang bumati. Kaya tumatak sa akin si Franco," ani Marc.

Nakatakdang i-cremate ang labi ni Franco sa Biyernes, Nobyembre 17.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.