PANOORIN: Pagbibigay pugay sa mga bayani ng Marawi

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2017 12:58 AM

Tampok sa segment na "LSS" ng programang "ASAP" nitong Linggo, Nobyembre 12, ang mga kuwento ng kabayanihan sa gitna ng limang buwang bakbakan sa lungsod ng Marawi.

Una na rito ang kuwento ni Manilyn Solar, biyuda ng isang pulis na napatay noong unang araw na sumalakay ang teroristang grupong Maute sa lungsod. 

Pebrero nitong taon nang ma-destino ang asawa ni Manilyn na si Chief Inspector Freddie Solar sa Marawi.

Ayon kay Manilyn, simula pa lang ay tutol na siya na italaga si Freddie sa mga malalayo at mapanganib na lugar gaya ng Marawi.

Noong Mayo 23, kalalabas pa lamang ni Manilyn sa opistal nang magkagulo na ang mga tao dahil sa paglusob ng mga terorista sa lungsod.

Sa kasagsagan ng gulo, nabaril si Freddie.

Pero tiniyak muna niyang ligtas na nakatakas sina Manilyn at ang kanilang mga anak.

Handog nina Juris Fernandez at Aiza Seguerra ang awiting "Kahit Isang Saglit" ni Martin Nievera para kay Manilyn at sa alaala ng kaniyang yumaong asawa.

Pagmamahal para sa Marawi at mga kababayan naman ang nagtulak sa binansagang "Suicide Squad" para pasukin ang ilang kritikal na lugar sa Marawi upang iligtas ang mga residenteng naipit sa gulo.

Ito'y sa kabila ng panganib na dulot ng mga terorista at kawalan nila ng armas.

Karamihan sa mga sumali sa kanilang rescue missions ay mga magsasaka, estudyante, negosyante at lokal na opisyal na taga-Marawi.

Ayon kay Saripada Pacasum, isa sa mga rescuer, nasa mahigit 2,000 ang kabuuang bilang ng kanilang mga nasagip.

Inawit nina Noel Cabangon at Jaya ang "Sana" ni Jolina Magdangal para sa mga rescuer.

Samantala, para kay First Lieutenant Geraldo Alvarez, ang bakbakan sa Marawi ang pinakamatinding laban niya sa 15 taon sa serbisyo.

Ikinuwento ni Alvarez kung paano niya pinamunuan ang 19 tauhan upang iligtas ang isang sugatang sundalo.

Paglagpas pa lamang ng Mapandi Bridge, pinaulanan na ng bala ng mga terorista sina Alvarez. 

Labinlima sa 19 na tauhan ni Alvarez ang nakabalik nang buhay matapos ang limang araw na pakikipagsagupaan.

Nominado si Alvarez na makatanggap ng Medal of Valor, isa sa pinakamataas na parangal na iginagawad sa isang sundalo.

Inalay ni Magdangal at Wency Cornejo ang awiting "Saludo" ng bandang 6cyclemind para kay Alvarez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.