Mga kaanak ni Hashtag Franco dumating na sa Davao

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2017 11:46 AM

DAVAO CITY - Pasado alas-6 Linggo ng umaga nang dumating sa Cosmopolitan Funeral ang ama ng pumanaw na Hashtags member na si Franco Hernandez.

Kasama na dumating ni Raul Fernandez ang manager ng anak at iba pa nilang kamag-anak mula Maynila.

Sinalubong sila ng tiyahin ni Franco at kasintahan na si Nam Floresca.

Hindi pa muna sila nagpaunlak ng interview sa harap ng camera.

Pinagpaplanuhan ng mga kamag-anak ni Franco kung ngayong araw na ba nila dadalhin ang mga labi nito sa Maynila o iki-cremate muna sa Davao.

Naikuwento ng tiyahin ni Franco na dati pa, sinasabi na umano ng pamangkin sa kanila na kapag siya ay namatay ay gusto niyang ipa-cremate na lamang, bagay na gustong tuparin ng pamilya.

Namatay si Franco nitong Sabado ng hapon matapos malunod.

Naging miyembro siya ng Hashtags noong Pebrero kung saan ipinakilala siya bilang ang bagong "Hataw Heartthrob" ng grupo.