'Love laban lang': Huling sandali ni Hashtag Franco, inalala ng nobya

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2017 02:14 PM | Updated as of Nov 13 2017 11:49 PM

Naging maikli ang panahon para sa 26-anyos na si Franco Hernandez para magbigay aliw sa publiko sa pamamagitan ng pagsali sa grupong "Hashtags" ng "It's Showtime."

Pumanaw ang "Hataw Heartthrob" noong Sabado, Nobyembre 11, dahil sa pagkalunod.

Sakay ng isang bangka, pabalik na sana sa pampang ng North Lamidan sa bayan ng Don Marcelino, Davao Occidental sina Hernandez, ang kaniyang nobyang si Janica Nam Floresca at ang kapuwa Hashtags member na si Tom Doromal.

Ngunit tinamaan ng malakas na alon ang kanilang bangka, dahilan para mahulog sa dagat si Hernandez at ang kaniyang nobya.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kuwento ni Floresca, halos 30 minuto silang palutang-lutang sa dagat dahil hindi sila marunong lumangoy.

"Sumisigaw ako sabi ko kay Franco, ‘Love laban lang’ tapos nakita ko nakapikit lang sya hindi na sumasagot. Sobrang hirap kasi nalulunod na talaga kami," ani Floresca.

Nang matagpuan sila't madala sa pampang, sinubukan pa umanong i-revive ng bangkero ang walang malay na si Hernandez.

Idineklarang dead on arrival si Hernandez sa ospital.

Ayon kay Doromal, wala silang suot na life jacket habang sakay ng bangka.

Pasado alas-12 ng hatinggabi, Linggo, inilipat sa Davao Doctors Hospital sa Davao City ang labi ni Hernandez mula Digos Doctors' Hospital.

Sinalubong ito ng kaniyang tihaying si Cleofe Quidilla.

Dumating na rin sa Davao ang mga kaanak ni Hernandez.

Hindi pa natitiyak ng mga kaanak ni Hernandez kung ngayong Linggo na dadalhin ang labi ni Hernandez sa Maynila o iki-cremate muna sa Davao.

Pakikiramay, bumuhos

Samantala, bumuhos ang pakikiramay para kay Hernandez mula sa mga kasamahan nito sa industriya.

Isa sa mga unang nagbahagi ng reaksyon sa social media ang "It's Showtime" host na si Vice Ganda.

Nagbahagi rin ng "fangirl video" ni Franco si Gretchen Ho.

Maging ang mga kasamahan ni Hernandez sa Hashtags ay nagpakita na kanilang labis na pagdadalamhati sa kaniyang pagpanaw.

Pebrero nang unang ilunsad si Hernandez bilang miyembro ng boy group na Hashtags, na kamakailan ay nagdiwang ng kanilang ikalawang anibersaryo.

Ayon kay Hernandez, hangad niya sa pagsali sa Hashtags ang pasayahin ang mga manonood ng programa.

"This kind of opportunity na magpasaya ng madlang people at maging parte ng masayang pamilya, minsan lang ito mangyari," ani Hernandez.

Sa pagdiriwang ng ika-8 anibersaryo ng "It's Showtime," naging bahagi pa si Hernandez sa pangkat nina Anne Curtis, Nadine Lustre at Ryan Bang sa kanilang "Magpasikat" performance.

-- May ulat ni Madonna Timbal-Senajon at Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.