Isabel Granada, inalala ng mga nakatrabaho sa 'That's Entertainment'

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2017 09:31 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Bumuhos ang mga nakiramay sa mga naiwan ng aktres na si Isabel Granada sa Sanctuario de San Jose sa Mandaluyong City. 

Alas-10 ng umaga nitong Biyernes nang magsimula ang public viewing sa labi ni Granada.
    
Sa kabuuan, naging maayos ang pagdating ng mga fans na nakiramay sa pamilya at natapos ang public viewing nitong alas-5 ng hapon. 

Nilagyan din ng Philippine Air Force ng bandila ng Pilipinas ang ibabaw ng kabaong ni Granada. Bahagi pa rin ito ng kanilang military honors o final respect kay Granada na kanilang naging kabaro.

May vigil guard ding in-assign na magbabantay sa tabi ni Granada. 

Ilan sa mga maagang dumating sa burol sina Chuckie Dreyfus, Robert Ortega, Jim Salas, at ilan pang kasamahan ni Granada sa 'That's Entertainment'. 

Sila rin ang nag-organisa ng misa ngayong Biyernes ng gabi. 

Ibinahagi pa ni Ortega na si Granada ang dahilan kung bakit siya nag-artista.

“Siya po ang reason kung bakit ako nag-artista. When we were kids, I had a big crush on her. So kung saan siya pumunta, sumusunod ako," kuwento ni Ortega.

"Mayro’n siyang audition for ‘That’s Entertainment’, sumama ako, nakita rin ako ni kuya Germs. Sabi niya 'mag-artista ka na rin.' Very very painful, alam mo ‘yung acceptance na wala na ‘yung kaibigan mo and you will be seeing her in a box,” aniya.

Inalala rin si Granada ni Kristina Paner na nakasama niya sa rin sa 'That's Entertainment.'

“Magkakasama kami, maliit pa si Isabel noon, sa isang management with Raul Laurente. Siyempre, bilang ate, nakakalungkot kasi mabait na bata si Isabel,” pagbabalik-tanaw naman ni Paner.

Dadalhin na ang labi ni Granada sa Arlington Chapel sa Quezon City ngayong Sabado, Nobyembre 11 ng hapon, kung saan magkakaroon ng eulogy, alas-7 ng gabi, bago ang cremation sa Linggo.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.