'Gigil Kid,' gustong maging 'mommy' si Karla Estrada

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2017 12:10 PM

MANILA -- Tahasan ang naging pagturo ng batang si Carlo Mendoza o "Gigil Kid" sa aktres at host na si Karla Estrada nang matanong kung sino ang nais nitong maging "mommy."

Sa "Magandang Buhay" nitong Biyernes, ipinaliwanag ni Carlo, 6, kung bakit nais niyang maging ina si Karla.

"Kasi po maganda po siya. Mabait siya sa mga bata at [mapagmahal]," aniya.

Ayon kay Karla, naging malapit na sa kanya si Carlo dahil sa nagkasama na sila sa isang proyekto.

"Marunong ang batang ito na mamili... kasi nagkasama kami," ani Karla. 

Kasama sa pagharap sa buhay ng batang si Carlo ang kanyang ama at kapatid na si Princess matapos silang iwanan ng kanilang ina.

Bago ang pagbisita niya sa "Magandang Buhay," nakilala si "Gigil Kid" sa pag-guest nito sa "Gandang Gabi Vice" ni Vice Ganda.

Ayon kay Carlo, masaya siyang makasama ang "It's Showtime" host.

"Siya po ang nagpasaya sa akin. Mahal ko po si Mama Vice," ayon sa bata.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.