Dennis Roldan, maayos na ang kalagayan matapos sumailam sa operasyon

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2017 11:43 AM

MANILA -- Sumailalim sa operasyon ang dating aktor at politiko na si Dennis Roldan dahil sa problema nito sa bituka o pagkakaroon ng diverticulitis.

Sa "Magandang Buhay" nitong Huwebes, ibinahagi ng mga anak ng aktor na sina Marco at Michele Gumabao ang pinagdaanang pagsubok ng pamilya matapos isugod sa ospital at mooperahan ang kanilang ama.
 
"Growing up, lagi kaming sinasama ng dad ko sa work or kung saan siya pumunta. So lahat kami talagang close kay Papa. So noong 'yun nga napunta siya sa hospital, siyempre kami din eh natakot. Kasi si Papa, superman namin yon, lahat kaya niyang gawin, sobrang lakas niya, idol mo talaga siya. Noong napunta siya sa ospital nakita namin na kahit siya eh hindi makapaniwala," ani Michele.
 
"First time namin na makita siya na weak na hindi makagalaw, nasa bed lang... hindi kumakain," dagdag ni Marco.

Ayon kay Marco, mula Hulyo hanggang Agosto tumagal sa ospital ang kanilang ama.
 
Dagdag ni Michele, unang dumaing nang pananakit ng tiyan ang ama. Noong sumailalim ito para sa isang minor operation para tanggalin ang kanyang gallbladder ay saka nadiskubre ng mga doktor na mas malala ang kondisyon nito.

"Noong inoperahan siya (para sa gallbladder), doon lang nakita na (diverticulitis) doon pala siya sa large intestine. So major operation, doon binuksan siya right then and there. So kahit kami akala namin minor operation lang. Kahit 'yung daddy ko after the operation doon siya nagulat at nahirapan mag-cope doon. Kasi natulog siya akala niya minor eh paggising niya ang laki ng hiwa niya sa tiyan," ani Michele.

Dahil sa pagiging malapit ng kanilang pamilya, naging mas madali para sa kanila na harapin ang pagsubok.

Ayon sa magkapatid, ang kanilang ina ang dahilan nang pananatiling matatag ng kanilang pamilya.

"Siya ang pinakamatatag sa amin, siya 'yung masipag bumisita, mag-alaga. So kaming lahat nahahawa kami sa pagiging mabuti at maalaga ni Mama. ... Tinuruan niya kami na magdasal, to be together and talaga sa kanya naka-center 'yung values," ani Michele.

Ayon sa magkapatid, sa ngayon ay naka-recover na ang kanilang ama mula sa pinagdaanang operasyon.

Nananatiling nakakulong sa Muntinlupa si Roldan matapos itong mahatulan sa kasong kidnap for ransom.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.