Aneurysm Awareness Foundation, itinatag para kay Isabel

Maxxy Santiago, ABS-CBN News Doha, Qatar

Posted at Nov 08 2017 12:38 PM | Updated as of Nov 08 2017 01:06 PM

Isang requiem mass ang ginanap kagabi sa Blessed Sacrament Chapel of the Our Lady of the Holy Rosary sa Doha para sa yumaong aktres na si Isabel Granada.

Sa simbahan pa lang, hindi na mapigilan ng asawa ni Isabel na si Arnel Cowley ang mapahagulgol nang makita ang larawan ng aktres sa harap ng altar.

Matapos ang misa, sama-sama ang ilang mga Filipino na dumalo sa tribute para kay Isabel at pasasalamat sa Filipino community sa Doha na naging sandalan ng mga kaanak ng aktres lalong lalo na si Arnel.

Naging emosyonal pa rin si Arnel nang makita ang mga larawan ni Isabel sa tabi ng condolences book.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Arnel na iuuwi niya ang kanyang asawa sa loob ng isang kabaong.

Kagabi inanunsyo din ng mga supporter ni Isabel ang pagtatag ng Isabel Granada Aneurysm Awareness Foundation na may basbas ng ina ni Isabel.

Layunin ng foundation na paigtingin ang kaalaman ng publiko sa sakit na aneurysm na siyang kumitil sa buhay ng aktres.

Nakatakdang ilipad ang mga labi ni Isabel sa Pilipinas, mamayang alas 8 ng gabi sa Doha o ala-una ng Huwebes ng umaga sa Maynila.

Inaasahang darating ang mga labi ng aktres ng Huwebes mga bandang alas 10 ng umaga sa Maynila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.