MYX Mo concert, tagumpay sa iba’t ibang bahagi ng 'Pinas

By BOY VILLASANTA, abs-cbnNEWS.com

Posted at Nov 08 2008 08:44 AM | Updated as of Nov 08 2008 04:44 PM

Hindi kataka-takang magtagumpay ang “MYX Mo” concert sa kagandahang-loob ng MYX sa SM Mall of Asia Concert Grounds dahil suportado ito ng mga kabataang Pinoy.

Sa pag-iikot-ikot namin sa mga probinsya ng Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay at Sorsogon ay nakabukas ang mga telebisyon ng kabataan sa MYX.

Isa si Angelo Martin, 19 na taong gulang, sa masusugid na tagahanga at tagapanood ng MYX sa Quezon province at ayon sa kanya, dito niya natutuklasan ang mga bagong musika na kinagigiliwan at inspirasyon ng mga kabataang tulad niya.

Pati ang mga kaklase ni Angelo sa PUP-Lopez, Quezon, ay nakatutok sa MYX.

Kasalukuyang nagkokonsert sa MOA nang tiyempong nakabukas ang TV set ni Angelo at inaabangan na nila ang pagpapalabas ng coverage ng konsert ng MYX.

Ayon sa publisista ng event na si Katherine Solis, umapaw sa dami ng manonood, karamihan ay kabataan, sa natatanging pagtatanghal.

Humigit-kumulang sa 50 banda ang nakilahok sa pagtatanghal kabilang ang Chicosci, 6Cyclemind, Sandwich, Bamboo, Urbandub, Kamikazee. Si Rico Blanco, Parokya ni Edgar, Sponge Cola, Hale, Rivermaya, Pedicab, Itchyworms, Markus Highway, Pupil, Slapshock, Cambio, Kjwan at marami pang iba.

Nakilala ang MYX sa pagtataguyod sa Orihinal na Musikang Pilipino o OPM hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Nasaksihan ang paglago ng musikang Pinoy at naitanghal sa Estados Unidos at sa mga bahagi ng Middle East sa pamamagitan ng MYX.

Kamakailan ay naipalabas ang maganda at natatanging konsert ng batambatang mang-aawit na si Charice Pempengco at pinalakpakan ng buong daigdig.