'Puwede palang mang-iwan': Angelica, may hugot sa kaarawan

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2017 05:05 PM | Updated as of Nov 06 2017 08:51 PM

Kasabay ng pagdiriwang ng kaniyang ika-31 na kaarawan, nagbahagi ang aktres na si Angelica Panganiban ng ilang natutuhan tungkol sa buhay at pag-ibig.

Sa Instagram post ni Angelica noong Linggo, Oktubre 5, sinabi niyang isa sa mga pinakamahalagang natutuhan niya ay ang pagmamahal sa sarili.

“Natapos ang lahat mag mula nang tinalikuran ko ang sakit. Mag mula nung hinarap ko ang sarili ko. Kinilala at minahal. Ang pinaka magandang regalo pala talaga ng buhay ay ang mahalin ang sarili," isinulat ni Angelica sa caption.

"Pwede palang maging madamot. Pwede palang hindi na abusuhin. Pwede palang tumalikod. Pwede palang mang iwan. Pwede palang tumawa ng wagas. Maging masaya dahil masaya ka lang. Pwede mo palang mahalin naman ang sarili mo," dagdag ng aktres.

Noong Linggo, nagtanghal ng isang spoken word poem si Angelica sa programang "Banana Split."

Paksa ng kaniyang tula ang iba't ibang karanasan sa kaniyang buhay, lalo na sa larangan ng pag-aartista.

Hindi napigilan ni Angelica na maluha at manginig ang boses habang binibigkas ang tula.

Noong Hunyo, spotted pa si Angelica sa birthday party ng kaniyang dating nobyong si John Lloyd Cruz, na kasalukuyang iniuugnay kay Ellen Adarna.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.