Jolina at dating mga kasama sa 14K, nag-reunion

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2017 12:23 PM

MANILA -- Sa pagdiriwang ng kanyang ika-30 anibersaryo sa showbiz, nasorpresa ang aktres na si Jolina Magdangal sa "Magandang Buhay" nitong Lunes sa pagbisita ng ilan sa miyembro ng vocal group na 14K.

Nagsimula ang showbiz career ni Jolina bilang miyembro ng 14K na pinamumunuan ni Ryan Cayabyab.

"Natuwa ako na nakita ko kayo ngayon, kasi in fairness mayroon akong pictures ng lahat ng naging performance natin pero parang hanggang pictures na lang ako parati. So, nakakatuwa na nandito kayo," ani Jolina.

Kabilang sa mga 14K na bumisita sa "Magandang Buhay" ay sina Arnee Hidalgo, Ryan Joseph Realeza, Coralyn Oquias, Mary Ann Corsame, Johann dela Fuente, Donna Mae Jordan, Jericho Linao and Trinna Alcantara.

Ayon kay Jolina, sa 14K niya unang natutunan ang disiplina at pagiging professional.

"Nandiyan lahat ng training. Papagalitan ka kapag mali ka. Ituturo sa iyo ang pagiging professional. 'Yan talaga yung pinaka-number one na natutunana ko diyan sa craft na gusto ko," ani Jolina.

"Very grateful ako, 'yun ang hindi ko tinanggal sa sarili ko 'yung pagiging disiplinado sa industriya na ito. Hindi ko alam na magtatagal sa showbiz, basta gusto ko lang noon eh kumanta at mag-enjoy kasama yung mga kasama ko doon," dagdag ng aktres.

Para sa mga manonood, inawit ni Jolina kasama ang iba pang miyembro ng 14K ang "Love Is For Singing" na dati rin nilang inawit.

Pagkatapos ng 14K, naging parte naman si Jolina ng programang "Ang TV."