Jolina, nagdiwang ng kaarawan sa 'ASAP LSS'

ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2017 03:03 PM | Updated as of Nov 05 2017 03:25 PM

Ipinagdiwang sa "ASAP" nitong Linggo ang ika-39 na kaarawan ni Jolina Magdangal.

Si Jolina ang host ng segment na "LSS," kung saan karaniwang tampok ang iba't ibang kuwento ng pag-ibig.

Kasama ni Jolina na nag-host ng "LSS" si John Lapus, isang malapit na kaibigan sa industriya na nakasama niya sa sitcom na "Arriba, Arriba!" noong 2000.

Papalit-palit si Lapus ng kasuotan na may kaugnayan sa mga dating pananamit ni Jolina.

Binigyan din ni Lapus si Jolina ng "commemorative doll" na hango sa hitsura ng itinituring na "Pop Icon" noong '90s.

Ang unang dalawang kuwentong pag-ibig na itinampok sa "LSS" ay sumasalim sa mga palabas na pinagbidahan ni Jolina.

Ibinahagi ni Jason Carale kung paano niya nadaig ang pagiging torpe upang masuyo ang napupusuang si Aira Dimapilis, gaya ng kuwento sa pelikulang "Flames."

Sa pelikulang "Labs Kita, Okey Ka Lang?" inihalintulad ang kuwento nina Paula at Marvin Pescador, na nagsimula bilang malapit na magkaibigan bago nauwi sa pag-iibigan.

Ibinahagi rin ni Jolina ang kuwentong pag-ibig nila ng asawang si Mark Escueta, isa sa mga orihinal na miyembro ng bandang Rivermaya.

Inawit din ang ilang kantang pinasikat ni Jolina.

Handog nina Antoinette Taus at Nikki Valdez ang awiting "Tameme," habang sina KZ Tandinang at Klarisse de Guzman naman ang kumanta ng "Kapag Ako Ay Nagmahal."

Unang nakasama ni Jolina sina Antoinette at Nikki sa "Ang TV," isang sikat na programa noong '90s na naglunsad sa karera ni Jolina sa telebisyon.

Sa pagtatapos ng "LSS," hinarana ni Jolina ang mga manonood sa kaniyang pag-awit ng “Laging Tapat.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.